Sunday , December 22 2024
Bulabugin ni Jerry Yap
Bulabugin ni Jerry Yap

International travel & tours prente ng human smuggling?

INIREKOMENDA ng National Bureau of Investigation (NBI) na patawan ng preventive suspension ang 19 opisyal at staff ng Bureau of Immigration (BI) kaugnay ng ‘raket’ ng umano’y ‘Pastillas Boys’ sa pagpapalusot ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Malungkot na balita ito para sa mga inaakusahang kabilang, kasabwat, at nakikinabang sa ‘pastillas boys.’

Tinawag itong ‘pastillas’ dahil sa pagbubunyag ni Senadora Risa Hontiveros sa pamamagitan ng isang video clilp na ang perang inihahatag sa mga opisyal o staff na sangkot ay ibinibilot saka inilalagay umano sa kahon para magmukhang paboritong pasalubong ng mga Pinoy.

Ang 19 na BI officials & staff ay hindi pa naman sentensiyado. Inaakusahan pa lang sila. Ang pinakaminam rito kapag naisampa sa korte ng asunto, magkakaroon sila ng pagkakataong ipagtanggol ang kanilang sarili, sa ngalan ng umiiral na batas.

Marami kasi ang nagsasabi na luma na  raw ang video clip na ipinakita sa pagbubunyag ni Senadora Hontiveros.

Anyway, isa tayo sa mga naghahangad na sana’y maging maayos na ang sistema sa BI dahil maraminf overseas Filipino workers ang napapariwara o namamaltrato dahil sa ganitong mga gawain.

‘Yan din ang dahilan kung namamayagpag ngayon ang sandamakmak na Chinese POGO workers na pinaniniwalaang ilan sa mga nagdala ng coronavirus sa bansa.

Pero bago pa ang pandemya, inirereklamo na ang sandamakmak na Chinese workers na sinasabing ‘inaagawan’ ng oportunidad ang mga kababayan nating Filipino.

Kaya naman, marami ang natuwa sa hakbang ng NBI na sampahan ng lasong kriminal si Liya Wu.

Si Liya Wu, para sa mga hindi nakakikilala, ay isang Chinese national na nagmamay-ari ng Empire International Travel & Tours na may ‘kaharian’ ‘este may opisina riyan sa Binondo, Maynila.

Si Liya Wu ay sinabing No. 1 human trafficker sa bansa. Kaya umano malakas at mataas maghatag sa mga kasabwat niyang Immigration officials and staff.

Sa katunayan, pinataob na ni ni Liya Wu ang mga kakompetensiya niyang ‘notorious fixer’ na sina Betty Chihuahua at Ana Siy.

Wala umanong bulilyaso kapag siya ang ka-deal ng mga Chinese national mula sa Mainland China. Hindi pa dumarating sa Airport, ay kasado na ang ‘salubong’ kaya wala nang humaharang sa kanyang mga kliyenteng magiging POGO workers sa bansa.

Hindi matatawaran kung gaano kalakas magparating ng mga GI as in Genuine Intsik si Liya Wu. Kahit isang buong eroplano pa ‘yan, kayang-kaya niyang papasukin.

At kahit disoras pa ‘yan ng gabi, mabilis pa sa alas-kuwatrong naipoproseso ang mga papeles na kailangan ng kanyang pasahero.

Ganyan umano kalupit si Liya Wu, walang sinabi ang dating big time na sina Betty Chihuahua at Ana Siy. 

Kapag nagpapadala umano ng pagkain sa BI si Liya WU hindi pizza-pizza kundi parang piyesta ng Obando sa rami ng pagkain, hindi pang-isang araw kundi pang-tatlong araw na parang pistang sagana at pistang dakila.

Sus, ano ang sinabi ng Yellow Cab pizza ni Betty at Ana?!

Hak hak hak!

Pang-utility, janitor, at striker na lang daw mga padala nina Betty at Ana.

Ganyan katindi ang operasyon ni Liya Wu.

Balita natin, isa sa pinaghihiraman ng tapang, lakas ng loob, at kapal ng mukha ni Liya Wu ay isang sikat na sikat na Mr. Kim.

By the way, wala bang balak ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na busisiin ang ‘requierments’ ng kompanyang ‘Empire’ ni Liya Wu?

Busisiin na ‘yan!

 

MORE POWER
SUMUSUNOD
SA SYSTEM LOSS CAP
NA ITINATAKDA
NG ERC

MISMONG ang Energy Regulatory Commission (ERC) ang nagsabi na nasusunod ng Distribution Utilities (DUs) ang itinakda nilang system loss cap.

Inihayag ito ng ERA kaugnay ng akusasyon ng dating Distribution Utility na Panay Electric Company (PECO) sa More Electric and Power Corporation (More Power) na mas mataas ang systems loss na sinisingil ng huli sa kanilang customers.

Sinabi ni ERC Chairman Agnes Devanadera, mahigpit nilang mino-monitor ang pagsunod ng mga DU sa itinakda nilang system loss cap.

Sa ilalim ng ERC rules, ang mga DU ay kailangang magsumite ng kanilang system loss reports kada buwan gayondin ang sworn statement annual report kaya masusing nasusubaybayan ng ahensiya kung mayroong hindi sumusunod.

Noon pang 2018 nagpatupad ng system loss cap na 6.5% ang ERC sa lahat ng DUs na may layong mapababa ang binabayaran ng mga customer alinsunod sa itinatakda ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) at para mapagbuti ng mga power supplier ang kanilang distribution system.

        “The lowering of the system loss caps is a move to bring down the power rates and help electricity consumers mitigate the impact of rising costs of commodities and services. This will encourage distribution utilities (DUs) to improve their distribution system and facilities so that they adhere to the newly-prescribed system loss cap.”

‘Yan ang mismo ang naunang pahayag ni ERC chairman Devanadera.

Kaya naman binatikos ng More Power ang PECO sa paggamit nito sa kaalyadong grupong Koalisyon Bantay Kuryente (KBK) para palabasin na 7.1% ang kanilang sinisingil na system loss, mataas sa 6.5% na itinatakda ng ERC.

Sabin g More Power, mali umano ang paninira ng PECO dahil sa katunayan mula nang magsimula ang kanilang operasyon noong Pebrero 2020 ay nasa 6% system loss lang ang kanilang ipinapasa sa Iloilo power consumers na mas mababa pa sa itinatakda ng ERC.

Nangako ang More Power na maaasahan ng 65,000 Iloilo power customers na mas bababa pa ang kanilang system loss sa loob ng susunod na tatlong taon resulta na rin ng kanilang ipinatutupad na modernization program.

May dalawang klase pala kasi ng system loss: ang una ay technical loss o ang nawawalang koryente habang nagtatransmit mula sa generation company patungo sa mga DU kaya kung maayos ang distribution system mas malaki ang tsansa na walang maaksayang koryente;

At ang ikalawa ay non-technical, o ang nawawalang koryente dahil sa pilferage o pagnanakaw sa pamamagitan ng paggamit ng jumper,

Ang bayad sa nawawalang koryente ay ipinapasa sa mga customer sa pamamagitan ng system loss charge.

        Naging kontrobersiyal noon ang mataas na system loss sa Iloilo City sa ilalim ng PECO dahil umabot ito sa 9.93% noong 2017 na pinakamataas sa lahat ng private utiliies sa bansa.

Pinakamataas din ang generation charge na sinisingil ng PECO na nasa P2.50 kwh mas mataas pa kaysa mas urbanisadong at malalaking lugar gaya ng Maynila, Cebu, at Davao.

Itinuturing na pinakamataas ang singil sa koryente sa Iloilo City sa ilalim ng PECO sa mahigit 70 bansa sa buong mundo at ito ay resulta ng lumang distribution lines, transformers, at substations na noong dekada 70 pa naitayo at ang nadiskubreng 30,000 illegal power connection.

Kaya naman maraming Ilonggo ang panatag ngayon at parang sinasabi na: Iba naman! More power pa!

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap

               

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *