HINDI pa rin nauumpisahan ang clinical trials sa Filipinas ng anti-flu drug na Avigan bilang posibleng treatment sa CoVid-19.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, may delays pa rin sa ethics review na ginagawa ng ilang ospital para sa trial ng nasabing gamot.
Mula sa apat na pagamutan na target paggawan ng trials, ang UP Philippine General Hospital pa lang daw ang nakausad. Sa ngayon inire-review ng ospital ang memorandum of understanding sa grupo na magsasagawa ng trials.
Nasa proseso naman ng ethics review ang Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital, Sta. Ana Hospital, at Quirino Memorial Medical Center.
Kapag natapos ng mga ospital ang nasabing proseso, kailangan nilang maka-secure ng clinical trial agreement mula sa DOH na pirmado ni Health Secretary Francisco Duque.
Noong 10 August ang unang schedule ng Avigan trials, pero nalipat ito ng August 17 at September 1. Target gawin ang trials sa 100 pasyente sa loob ng siyam na buwan.
Kinompirma ni Usec. Vergeire na nakatanggap ng 1,300 tablets ng nasabing gamot ang lungsod ng Maynila. Pero paglilinaw ng opisyal, “for compassionate use” nila ibinigay sa Sta. Ana Hospital ang Avigan at hindi para sa clinical trial.
Donated ng Japanese government ang Avigan na orihinal na idinisenyo bilang anti-flu drug.
(CYNTHIA MARTIN)