IPINAHAYAG ng award-winning young actor na si Miggs Cuaderno na ang Superstar na si Nora Aunor ang naging peg niya sa tinampukang BL series na Neo & Omar-Unlocked Anthology.
Ito’y mapapanood sa GagaOOlala sa September. Mula sa pamamahala ni direk Adolf Alix, Jr., kasama rin dito ang anak ni Wendell Ramos na si Saviour Ramos.
Gumaganap si Miggs dito bilang binatilyong hindi makapagsalita, kaya kailangang maging effective ang kanyang mga mata. Ayon sa Kapuso young actor, bilib siya sa husay ni Ms. Aunor lalo na kapag mata lang ang ginagamit nito.
“Ang naging peg ko po sa role ko rito ay si Ms. Nora Aunor po, kasi mata-mata po ang need makita ang expressions, kaya bago ito sa akin… Kasi po nakagawa na ako ng iba’t ibang bading na role, may sosyal, comedy, yung ‘di halata na bading… Pero rito, pipi po ang role ko.
“Pangarap ko pong makasama sa work si Ms. Nora, napakahusay po niya kasi. Bigla na lang po tutulo luha niya habang nakatitig siya sa kaeksena, kumbaga ay ramdam mo ang gusto niyang sabihin kahit walang dialogue,” saad ni Miggs.
Dagdag pa niya, “Ganoon po ang gusto ko, kahit walang sinasabi ay alam ng nanonood kung ano ang ipinahihiwatig ko kahit sa tingin at mata lang. Sa tulong at pag-guide po ni Direk Adolf, nagawa ko naman ito.
“Masarap po maka-work ang mga award-winning director kasi po aalagaan at aalalayan ka nila at may matututuhan ka po. Napakahusay po talaga ni Direk Adolf, e… at nandiyan po si mommy na hindi po ako pababayaan at iga-guide ako sa lahat ng gagawin ko.
“Kaya kaabang-abang po ang ginawa kong ito na BL, coming of age itong Neo at Omar.”
Nagkuwento pa si Miggs sa role sa naturang LGBTQ serye. “Ako po rito si Neo na ang magulang ay isang frontliner na nurse. Napapanahon po itong short film namin na Neo & Omar, ako po rito ay isang 16 year old na batang hindi nakakapagsalita, pero nakaririnig po.”
Nahirapan ba siya sa intimate scene nila ni Saviour? “Hindi po kasi siya masasabing intimate talaga, kasi naglalaro po kami noong time na ‘yun… bale aksidente lang po talaga,” esplika pa niya.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio