INILIPAT ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa local centers ang mga tawag sa Emergency Hotline 911 matapos magpositibo sa CoVid-19 ang dalawang call agent .
Ayon kay DILG Spokesperson and Undersecretary Jonathan Malaya, lahat ng kanilang Emergency Telecommunicators (ETC), pati ang 10 CoVid Hotline agent ng Department of Health (DOH), na nakatoka sa E911, ay naka-home quarantine ngayon bilang pag-iingat habang ang 911 National Call Center (NCC) ay nililinis at nilalagyan ng proper ventilation at isinasagawa ang contact tracing.
“Upang mapangalagaan ang kalusugan ng ating mga kawani, sinusunod namin ang ganitong pansamantalang palakad upang patuloy na mapaglingkuran ang publiko sa tulong ng mga call center na pinatatakbo ng mga local government units (LGU). Lahat ng aming mga kawani ay nagpa-PCR test at kasalukuyang naka-home quarantine. Sila ay babalik sa trabaho kapag nagnegatibo ang kanilang test o sa oras na makompleto nila ang 14-day quarantine,” paliwanag ni Malaya, kasunod ng reklamo na walang sumasagot sa mga tawag sa 911.
“Dahil sa pandemya nahaharap tayo sa mga problemang technical, manpower at operational, pero inaayos na namin ang mga ito at umaasa kaming makapag-partially operate sa September 7 at muling magbukas sa September 16,” dagdag ni Malaya.
Ayon kay Malaya, magkakaroon dapat sila ng karagdagang 17 ETC mula sa Bureau of Fire Protection, isang DILG attached agency, na nagsagawa ng training sa buwang ito, pero dalawa sa kanila ay nagpositibo rin sa CoVid-19, kaya ang kanilang pagsisimula ay sinuspendi, at sila ngayon ay naka-quarantine.
Samantala, iniulat ni E911 Executive Director Diosdado Valeroso na bago pa nagkapandemya, inaasikaso na ng E911 hotline ang napakaraming mga tawag kahit 80 lamang ang kanilang mga ETC sa buong bansa na naghahali-halili 24 oras upang sumagot sa mga tawag. (ALMAR DANGUILAN)