INARESTO ang dalawang lalaki makaraang makompiskahan ng 115 pirasong party drugs na ectasy sa buy bust operation na isinagawa ng Quezon City Police District (QCPD) at Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA) kamakalawa ng gabi sa lungsod.
Kinilala ni QCPD Director P/BGen. Ronnie Montejo ang mga nadakip na sina Tristan Jay Howard at Marcelino Avenido III.
Ayon kay Talipapa Police Station 3 commander P/Lt. Col. Jeffrey Bilaro dakong 7:00 pm nang isagawa ang drug operation sa Unit 3230 Congressional Town Center, Barangay Bahay Toro, Quezon City.
Isang pulis na nagpanggap na buyer ang umiskor sa mga suspek at nang magkaabutan, dinakma na ang dalawa.
Nakompiska mula sa mga suspek ang 115 pirasong ecstacy na may street value na P195,000, isang plastic sachet na hinihinalang naglalaman ng iba’t ibang klase ng ilegal na droga, plastic na naglalaman ng marijuana at capsule.
Nakapiit ang dalawa habang inihahanda ang mga kasong kakaharapin nila. (ALMAR DANGUILAN)