MATAPOS natin ilahad sa ating kolum (sa kapatid naming pahayagan na Diyaryo Pinoy), ang paghahari-harian ng ilang miyembro ng Philippine Coast Guards (PCG) sa NAIA ay tila hindi pa rin tinatablan ang kanilang pamunuan sa airport.
Nito lang nakaraan ay nadiskubre ang isang ‘style lok-bu’ nang sitahin ng mga duty immigration officers ang isang pasahero na bitbit ng isang miyembro ng PCG na si Gideon Jalbuenas.
Buenas ba talaga o riyan na siya mamalasin?
Wala raw pakialam na dumaan sa immigration area si ungas ‘este’ si Jalbuenas na bitbit ang isang tila pasahero na may mga dala-dalang bagahe.
Wala raw maipakita ni isa mang identification card ang inieskortan niyang si Peñas noong isinalang na sa imbestigasyon.
At lalong walang OB pass!
Wala rin daw pasintabi o permiso ang naturang coast guard na sila ay makikiraan sa immigration area kaya naman naalarma ang mga IO na nasa counters at dali-daling hinabol ang dalawa.
Doon na raw inabutan malapit sa boarding gate
ang pasahero na kinilalang si Cleff Ann Peñas.
Tinanong ng mga IO si Peñas kung saan siya pupunta dahil may dala siyang mga bagahe.
Dito raw sinabi ni Peñas na siya ay magtatrabaho bilang newly hired trainee sa Bureau of Quarantine?
So kung ikaw ay newly hired sa BOQ, bakit wala ka ni isa mang identification card, hija?
Kadarating lang daw niya mula sa domestic flight (Iloilo) pero paano kaya siya pinasakay sa eroplano nang walang valid ID?!
So strange ‘di ba?
Ganoon pa man, nagsimula nang magkaroon ng argumento matapos dumating ang hepe ng Airport Police Department (APD) ng Manila International Airport Authority (MIAA) at isa-isang tinanong ang immigration, at quarantine tungkol sa kaguluhan.
Dito napag-alaman na si PCG malas ‘este’ Jalbuenas ang responsable sa lahat dahil kung saan-saan niya itinatawid ang bitbit niyang si Peñas nang walang koordinasyon sa mga authorized government agencies sa airport!
Ang galeeeng mo!
‘Yan na nga ba ang sinasabi natin sa pamunuan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), kulang sa tamang briefing o orientation ang mga miyembro ninyo pagdating sa tamang protocols sa airport!
Alalahanin n’yo, hindi legit na border security ang functions ng mga PCG kaya wala silang karapatan na tumawid nang walang pasintabi sa mga awtorisadong ahensiya sa NAIA.
Assist-assist lang ang trabaho ng PCG diyan specially sa mga OFW.
Bawal ang dumiskarte, intiendes?!
Marami na tayong naririnig na hindi magandang kuwento mula nang dumating ang PCG diyan sa NAIA.
Sobra-sobra raw ang pribilehiyo na natatanggap nila.
Bakit kasi hindi na lang iatang sa APD o sa PNP-AVSEC ang tasks o trabaho nila samantalang wala naman umanong ginagawa ang mga ‘yan kundi mag-escort ng mga pasahero paglabas ng eroplano bago i-swab testing?
Hindi kaya hanapbuhay ang ibinigay ninyo sa mga ‘yan IATF, at hindi pagsusuri o pagbabantay?
FYI, masyado rin daw takot ang Airport Police sa PCGs kaya hindi nila sinisita kahit sablay na ang kanilang nakikita.
Bakit?!
Paki-esplika lang po!