PAGKARAANG ianunsiyo ng ABS-CBN na hanggang Agosto 28 na lamang mapapanood ang kanilang TV Patrol sa 12 lokal na probinsiya, si Ted Failon naman ang magpapaalam sa kanyang mga programa.
Tatlumpung taon ding nakasama si Ted sa paghahatid ng balita sa mga tahanan natin at ngayong gabi, Agosto 31, huling beses nang mapapanood ang batikang broadcaster sa TV Patrol at Failon Ngayon sa TeleRadyo dahil nagpaalam na ito.
Balitang lilipat ang batikang broadcaster sa TV5 kasama nito ang mga staff ng kanyang programang Failon Ngayon.
Ayon sa ABS-CBN, ang pagpapatigil sa radio broadcast operations nila ang nag-udyok para magpaalam si Failon. Bagamat sila’y nalulungkot, iginagalang nila ang desisyong ito.
“Hinahangaan namin ang kanyang husay at pagmamahal sa radio broadcasting, na pinakamabisang paraan ni Ted para mas makapaglingkod ng mabuti sa bayan.
“Nagpapasalamat kami kay Ted sa dedikasyon at paglilingkod niya sa maraming taon bilang isang mamamahayag ng Kapamilya network. Si Ted ay mananatiling isang Kapamilya habambuhay. Hangad namin ang ikabubuti niya sa daang kanyang tatahakin,” sambit pa sa statement ng Kapamilya Network.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio