KAYA pala hindi na namin naririnig ang mga payong pangkalusugan ni Dr. Edinell Calvario sa kanyang programang Healing Galing, balitang tinigbak daw ito sa Radyo 5?
Sayang naman kung totoo nga ito dahil alam naming marami ang natutulungan ng programang ito ni Dr. Calvario bilang kami ay isa rin sa may simpatya at paniwala sa mga Naturopathy doctor na tulad ni Edinell.
Sa pagkawala ng Healing Galing, napuno ng reklamo ang comment section ng Facebook live streaming ng Radyo5 noong August 16 mula sa mga may edad na audience ng programang ito dahil sa pagkawala ng kanilang paboritong programa na umeere sa TV5 tuwing Linggo ng umaga, mula 7:00 a.m.-8:00 a.m..
Ayon sa mga reklamo, limang taon na nilang sinusundan ang public service program ni Dr. Calvario, isang naturopathic doctor dahil malaki ang naitutulong nito sa kanilang kalusugan.
Marami kasi sa kanila, lalo na sa mga nagkaka-edad na manonood na nawala ang kanilang mga problema sa katawan dahil sa mga itinuturo ni Dr. Calvario na ang mga panlunas sa kanilang nararamdaman ay puro galing sa mga halaman. Ang kanilang matagal na pagsubaybay sa programa ang makapagpapatunay na malaki ang naging pagbabago sa kanilang kalusugan.
Kaya nananawagan ang mga suki ng programang Healing Galing na huwag naman itong palitan ng isang programa na hindi naman nila kayang sundan. Hindi rin daw ito nababagay sa kanilang edad at kalagayan.
Anila, pinalitan umano ito ng Fit For Life ni Jessy Mendiola na isang show na pang-ehersisyo na nababagay sa mga kabataan.
Bagamat nakabubuti rin sa kalusugan ang show ni Jessy, hiling nila’y ilagay pa rin at mapanood pa rin ang Healing Galing.
Samantala, sinabi naman ng supervising producer ng programa na si Nestor Tan, na ang kasalukuyang kontrata nila sa TV5 ay hanggang December 31, 2020 pa.
Kaya nagtataka sila ng kanyang program manager na si Manny Martinez na biglang nawala ang kanilang programa gayung wala silang natatanggap na pahayag mula sa bagong pamunuan ng TV5 na mawawala ito o anumang pasabi kung ito ay ililipat sa ibang oras.
Idinagdag pa nina Tan at Martinez na may 11 episode na silang natapos at hindi na maipalalabas dahil sa nangyari.
Ipinagbigay alam din nima Tan at Martinez na sa loob ng limang taon nila sa TV5 ay ang Healing Galing lamang ang programang humakot ng maraming awards para sa nasabing himpilan bilang Best Public Service Program.
Hindi pa makapagbigay ng pahayag si Dr. Calvario dahil abala ito sa kanyang tungkulin bilang Presidente ng Women Inventors Association of the Philippines, Inc. (WIAPI) na masigasig ang kanilang grupo sa pakikipagtulungan sa mga local government units para sa holistic approach sa pagbibigay lunas sa Covid-19.
May mga clinical trials na silang ginawa sa mga nagpositibo sa naturang sakit na ang moderate case ay tumagal lamang ng pito hanggang 14 araw at ang severe case ay umabot lamang ng 14 hanggang 21 araw ang gamutan.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio