KAARAWAN niya pero siya ang nagpadala ng ayuda sa ilang mga taong malapit sa puso niya.
Ano pa ba ang mahihiling ni Pokwang sa pagkakataong ito?
“Mare, ayokong sabihing wala na. Pero nagpapasalamat ako na sa kabila ng pandemyang dinaranas ng buong mundo, natin, biyaya pa rin ang kumatok sa pintuan ko. Para sa amin ng pamilya ko!”
Dalawang programa sa Cignal TV5 ang pinagkakaabalahan ngayon ni Mamang. Isa sa umaga. Isa sa gabi. Isang talk show. Isang game show!
Sunod sa health protocols, hindi alintana ang kinakailangang daanan para lagg masigurong safe silang lahat.
“Gaya ng nai-share namin sa mediacon para sa aming ‘Chika Besh’ (with Ria Atayde at Pauleen Luna-Sotto), sa simula pa lang, naging at home na kami sa isa’t isa. Hindi man kami magkakasama sa dressing room, mayroon kaming natututuhan sa bawat isa sa bawat araw. Lalo na sa mga guest na kinakausap namin sa mismong show. Maraming napag-uusapan. Nakakabitin lang ‘yung wala ng beso-beso, yakapan o, ‘yung nasa isang room lang kayo para magkuwentuhan.
“Noong dumating ang pandemya, nag-alala rin kami syempre ni Papang mo (Lee O’Brian) dahil mayroon kaming sinimulang maliit na business. Siya ang bale hands-on sa aming PokLee Food Products na mga simpleng lutuin ko lang naman. Sawsawan ba. Na para sa Pinoy na panlasa.
“Sa homefront, masaya kasi magkakasama. Inaaliw kami ni Malia. Na ang dami ng ipinakikitang mga bago. Saksakan na ng likot. Kaya hindi ko ma-imagine kapag nag-eskuwela na. Malamang na ang daming gugustuhing i-focus ang atensiyon niya. Madaldal na. Maarte. Busy. Ang daming ginagawa.”
Sinasabi na siya ang Lucy Liu ng Pinoy showbiz.
“Kasi nga, sabi ko kung mayroon pa akong gustong gawing project, ‘yung action naman. Kaya sa panahon ng lockdown, I made it a point na hindi namin naisasantabi ni Papang ang pangangalaga sa aming health and well-being. Maganda sa lugar namin. Kaya ang daming exercise na magagawa. Sa umaga, lakad-lakad kami ni Malia around the village. May times na tutok kami sa TV para mag-exercise. Ganon na talaga!”
Usually, birthday wish ang inaalam sa celebrant.
“Basta maayos ang kalusugan naming lahat, isang malaking biyaya na ‘yun mula sa Panginoon. Noon, wish ko na matutong managalog si Papang. Nagagawa naman niya. Nakakausap na niya ako in Tagalog, ha! Sa show, ako naman ‘yung dumudugo ang ilong kay Ria. Araw na araw na pasasalamat ang lagi ng dasal ko.”
Marami ng talk show. Paano nila ito magagawang maging matagumpay?
“As long as hindi kami magiging conscious sa mga comparison and all, magiging focused kami sa kung ano ang mga bagay na maibabahagi namin para maging maayos at matagumpay ang show. Wala na dapat ‘yang kompa-komparahan. Kanya-kanya pa rin naman pagdating sa dulo. Wala namang iisang idea lang. Ang importante ‘yung manonood. ‘Yung ihahain mo sa kanila.
“Kahit nga ‘yung sinasabing lipat-liparan. Nagkakaintindihan na ang mga tao ngayon. Lahat kailangan ng trabaho. Kaya ayoko na rin patulan ang mga pamba-bash. Ang buhay ko ang iniisip ko. Ang pamilya at mga mahal ko sa buhay. Pero hindi mawawala sa puso’t isip kung saan pa rin tayo nagmula.”
Pinagpala. Sa pandemya. Sa pagsakay sa mga darating pang chika!
HARD TALK!
ni Pilar Mateo