KAKAIBANG birthday celebration ni Da King Fernando Poe Jr., ang ginawa ng kanyang anak na si Sen. Grace Poe. Ito ay ang pagdo-donate ng 50 electronic tablets para sa mga mahihirap na estudyante na sasabak sa online at blended learning sa gitna ng Covid-19 pandemic.
Anang senadora,”Tiyak kong matutuwa si FPJ para sa tulong na ito sa mga kabataang lubos na nangangailangan lalo na ngayong tayo’y may kinakaharap na malaking health crisis. Noong siya’y nabubuhay pa, madalas niyang sabihin at ipakita na mas malapit sa puso niya ang mga mahihirap nating kababayan,”.
Sa mga estudyante ng Don Quintin Paredes High School sa Quezon City ipinamahagi ng senadora ang mga Cherry Mobile tablets. Tinanggap iyon ng kanilang principal na si Mr. Ernest Ferrer Jr.. Kasama ni Poe na namahagi ang kanyang chief of staff at anak na si Brian Poe Llamanzares at Quezon City Vice Mayor Gian Sotto.
“Higit lahat sa panahong ito, hindi dapat maiwan sa pag-aaral ang mga kapuspalad nating estudyante dahil lang wala silang kakayahang bumili ng sarili nilang tablet para sa online education,” sambit pa ng senadora na isa ring dating guro.
Ang mga tablet na ipinamahagi ni Poe ay makatutulong para sa bagong paraan ng pag-aaral lalo’t walang face-to-face classes ngayon para makaiwas na rin sa Covid-19.
“Sa pagharap natin sa pandemyang ito, mas mahalagang itulak tayo ng krisis tungo sa innovation at inclusion at hindi para palalain ang hindi pagkakapantay-pantay ng mga tao lalo na sa larangan ng edukasyon,” dagdag pa ng senadora.
Matagal nang adbokasiya ni FPJ ang tumulong sa mga nangangailangan at mahihirap. ”Sa kanyang mga pelikula noon, siya man ang pinakabida pero ipinakikita rin na kailangan niya ang tulong ng mga tao, ng mga ordinaryong tao, para magtagumpay. Ganyan din tayo ngayon, kailangan nating magsama-sama para makabalikwas mula sa problemang dulot ng Covid-19,” ani Poe.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio