ni ROSE NOVENARIO
IBINASURA ng Palasyo ang panawagang magtatag ng isang revolutionary government ng isang grupong tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, dapat manggaling sa pagnanais ng publiko na magtatag ng revolutionary government at hindi mula sa isang pangkat lamang.
Nagdaos ng pulong noong nakaraang Huwebes sa Pampanga ang ilang kasapi ng Mayor Rodrigo Roa Duterte – National Executive Coordinating Committee (MRRD-NECC) kaugnay sa paglulunsad ng people’s initiative para magtatag ng revolutionary government upang maisakatuparan ang amyenda sa Saligang Batas na pamumunuan ni Pangulong Duterte.
“It is an idea which is pregnant with repercussion, not the least whether or nor the forces of society are ready for it,” ani Panelo.
“If it is a workable concept, it may be late in the day. Moreover, the call of a revolutionary government must come from the people and not from a single organization or an individual,” dagdag niya.
Para kay Presidential Spokesman Harry Roque, malaya ang isang pribadong grupo at organizers na isapubliko ang kanilang saloobin kaugnay sa revolutionary government.
Ngunit ang atensiyon aniya ng administrasyon ay tugunan ang CoVid-19 at magsagawa ng mga hakbang upang maibangon ang ekonomiya na napilayan ng pandemya.
Kasabay aniya ng unti-unting pagbubukas ng ekonomiya ay segurohin ang kaligtasan ng mga mamamayan na nagsipagbalikan sa trabaho kahit nararanasan pa sa bansa ang pandemya.