MAS naalarma yata kami nang makita namin ang social media post na ubo nang ubo si Senador Bong Revilla sa isang video na tumagal ng halos tatlong minuto. Wala siyang nasabi kundi “please pray for me.” Para bang napakalala ng sitwasyon dahil sa sunOd-sunod niyang pag-ubo.
Tiyak sasabihin naman ng iba, natural dahil Covid-19 iyan. Pero kung pag-aaralang mabuti, kahit na sabihin pang dumarami ang may Covid-19, napakarami naman ang gumagaling sa nasabing sakit. Ibig sabihin, kahit na wala pang bakuna, basta naaalagaan at naagad naman ang pag-gamot at pagpapalakas ng katawan ng pasyente, gagaling siya.
Isa pang dapat isipin, si Bong ay isang actor, at maraming fans. Iba rin ang kanyang image bilang isang actor. Para bang nakaaasiwa na ang isang action star ay makikita mong nasa ospital at ubo nang ubo. Eh kung sa bagay, iyon ang katotohanan. Kahit na mga action star, nagkakasakit din naman. Pero palagay lang namin, iyong mga ganoong klase ng video ay hindi na dapat pang ipakita sa publiko. Hindi namin alam kung ano ang katuwiran ng mga nag-upload niyon sa social media, dahil marami na ang nag-share niyon at kumalat na. Siguro nga maganda naman ang kanilang intensiyon. Baka gusto nilang kumalat iyon para mas marami nga ang magdasal para kay Senador Bong.
Pero ewan, ang paniwala namin hindi pa rin dapat palabasin ang mga ganoong video. Lalo na nga iyang mga action star, may image silang kailangang pangalagaan.
Hindi mo naman masasabi na pagkatapos niyan tatalikod na si Senador Bong sa pagiging action star. In fact, maliwanag sa kanyang mga aksiyon na gusto niyang balikan ang acting career, kaya nga tumanggap pa siya ng isang TV show. Parang napaka-unglamorous niyong ganoong video na ubo siya nang ubo.
HATAWAN
ni Ed de Leon