APAT na Grand Champions sa unang pagkakataon ang itinanghal sa katatapos na The Voice Teens noong Linggo ng gabi (Agosto 16). Ang apat ay sina Heart Salvador ng Alabang, Cydel Gabutero ng Negros Occidental, Isang Manlapaz ng Muntinlupa, at Kendra Aguirre ng Las Pinas.
Sila ang nakakuha ng pinakamataas na scores sa kanilang group performances na bawat isa ay nag-uwi ng P500,000 at bagong house and lot mula Lessandra.
Nagwagi si Heart ng final score na 40.83% para magtagumpay sa Kamp Kawayan, si Cydel na may 48.33% sa FamiLea, si Isang na may 45.83% sa Team Apl, at si Kendra na may 44.17% sa Team Sarah.
Para sa finale, kinailangang mag-perform ng top 12 teen artists sa group performances kasama ng kanilang coaches. Kinuha naman ang final score ng bawat isa mula sa 50% ng score ng kanilang sariling coach, at ang natitirang 50% mula sa average score na binigay ng tatlong coaches.
Bago ianunsiyo ang malaking makasaysayang sorpresa, ipinahayag ng host na si Luis Manzano na layuning matulungan ng ABS-CBN ang teen artists at ang kanilang mga pamilya na harapin ang kasalukuyang pandemya.
“Kami rito sa ABS-CBN ay naglalayong matulungan ang deserving teen artists pati ang kanilang mga pamilya para magkaroon pa ng kakayahang maharap at malagpasan nang matiwasay ang mga hamon na dala ng pagsubok na ito,” aniya.
Mainit ding pinag-usapan ang finale weekend kaya naman nag-trend ang official hashtags na #VoiceTeensFinale at #VoiceTeensS2Winner sa Twitter.
Dahil naman sa quarantine, nag-perform ang teen artists mula sa kanilang mga tahanan, samantalang nagkomento at nagbigay ng scores ang coaches sa pamamagitan ng Zoom.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio