INIREKOMENDA ni Senadora Imee Marcos na itigil muna sa paglalabas ng may P10 bilyong pondo ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) kung hindi gagamitin para sa testing at paggamot sa CoVid-19 at hindi pa makapagbigay ang ahensiya ng detalyadong pagsisiwalat sa pondo nito.
Kasabay nito, kinastigo ng senadora ang PhilHealth na tila umiiwas sa audit ng mga pondong inilabas gamit ang kakulangan ng Republic Act 11332 o ang batas na may mandatong iulat ng ahensiya sa gobyerno ang nakahahawang sakit.
Paliwanag ni Marcos, hindi tugma ang pneumonia sa depinisyon ng batas sa isang tinatawag na “notifiable disease,” kaya “nagagawang balewalain ng mga buwitre-bandido sa PhilHealth ang detalyadong pagsiwalat sa mga kaso ng pneumonia at tuloy ang singil-suhol ng mga ospital.”
“Ang kakulangan sa batas at kabiguan ng PhilHealth na magsumite ng listahan ng mga kaso at ospital na dapat bayaran ay gumagatong pa sa simpleng sipon na ginawang pneumonia o kaya sa mga tinatawag na ‘ghost patients’,” pahayag ni Marcos.
Binigyang-diin ni Marcos, ang pneumonia ang nangunguna sa listahan ng mga sakit na naglalabas ng pondo ang PhilHealth para ibayad sa mga ospital bunsod ng pandemyang CoVid-19.
Ayon kay Marcos, matagal nang hindi nagsusumite ang PhilHealth ng listahan kahit pa hinihingi ng Senado noon pang nakaraang taon, at obligasyon din ang pagsumite ng datos sa mga municipal health offices at Commission on Audit.
Kaya inihain ni Marcos ang Senate Bill 1416 para amyendahan ang RA 11332, partikular na nakasulat ang pneumonia sa listahan ng mga ‘notifiable diseases’ at mas maobliga ang pag-uulat sa panahon ng pandemya at public health emergencies.
Ipinasususpendi rin ni Marcos ang koleksiyon ng premium ng PhilHealth, na kabilang sa mga pinag-iisipang opsiyon ng gobyerno para masolusyonan ang nawalang bilyong halaga ng kontribusyon ng mga miyembro nito at subsidiya ng gobyerno.
Dagdag ni Marcos, maaari rin bumuo ang gobyerno ng account para milipat at mabantayan ang kasalukuyang pondo ng PhilHealth at pansamantala rin ilipat sa Department of Budget and Management (DBM) ang procurement o pagkuha ng equipment ng ahensiya, habang inaayos ang magulong usaping pinansiyal ng PhilHealth.
(CYNTHIA MARTIN)