NADAKIP ng Manila Police District (MPD) ang isang kobrador ng easy two o jueteng sa isinagawang operasyon, kamakalawa ng tanghali sa Balut, Tondo, Maynila.
Ayon sa ulat ng MPD Station 1, dakong 12:30 pm nang ikasa ang operasyon laban sa ilegal na sugal hanggang naaktohang nangingilak ng taya ang suspek na si Eduardo Nebreja, 58 anyos, sidecar boy, residente sa 2300 Simeon de Jesus St., Balut, Tondo, Maynila.
Nakompiska sa suspek ang kanyang kobransa, ballpen, at P1,120 bet money.
Hindi nadakip ng pulisya ang mga mananaya na nakatakbo sa gitna ng operasyon.
Nabatid na ang resulta ng ilegal na sugal na ‘easy two’ ay base sa dalawang numero sa bola ng lotto kahit wala pang operasyon ang palaro dahil sa pandemya.
Dito nabisto ang ilegal na aktibidad ng suspek na nabistong jueteng dahil wala pang operasyon ang lotto sa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila. (BRIAN BILASANO)