ARESTADO ang tatlong miyembro ng Agustin Crime Group makaraang magpositibo ang isinagawang buy bust operation ng Manila Police District (MPD) sa Tondo, Maynila.
Ayon sa ulat ni MPD Abad Santos Station (PS-7) commander P/Lt. Col. Harry Lorenzo, nakapiit sa kanilang presinto ang mga suspek na kinilalang sina Roniel Agustin, 27 anyos, at kapatid nitong si Raymat, 23, kapwa residente sa Dagupan Ext., Tondo; at Ronald Vitug, 40, trike driver, residente rin sa nasabing lugar.
Kasalukuyang pinaghahanap at tinutugis ng mga pulis si Rowell Agustin, kapatid ng mga naarestong suspek.
Ayon kay MPD District Special Operation Unit chief P/Major Gilbert Cruz, dakong 5:30 pm, nang magsagawa sila ng buy bust operation sa panulukan ng Dagupan Ext., at Solis St., sa Tondo katuwang ang operatiba ng MPD PS-7 sa pamumuno ni P/Cpt. Kherwin Evangelista.
Nabatid na nasa drug watchlist ng pulisya ang grupo at matagal nang minamanman ng pulisya bago ikasa ang buy bust operation na nagresulta sa pagkakadakip ng mga suspek sa Dagupan Extension.
“Matagal na natin minamanmanan ang galaw ng grupong ito base sa sumbong ng ilang concerned citizens at ng barangay sa lugar,” pahayag ni Cruz.
Ang grupo ay itinurong responsable sa pagbebenta ng baril at droga.
Nakuha sa mga suspek ang .38 revolver, tatlong bala ng .38, at dalawang sachet ng hinihinalang shabu.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 , Article ll, Section 5 at 11 at kasong illegal possession of firearms and ammunitions ang mga suspek sa Manila Prosecutor’s Office.
(BRIAN BILASANO)