WALANG kinalaman sa Anti-Terrorism Law ang pamamaslang kay National Democratic Front of the Philippines (NDFP) peace consultant at chairman ng Anakpawis na si Randall “Randy” Echanis.
Ito ang inihayag kahapon ni Quezon City Police District (QCPD) director P/BGeneral Ronnie Montejo matapos sabihin ng mga militanteng grupo na nagsisimula na ang bagsik ng anti-terror law na may kaugnayan sa pamamaslang kay Echanis nitong Lunes. 10 Agosto.
Ayon kay Montejo, isang common crime ang nangyari sa NDFP consultant at hindi maaaring idikit sa pag-iral ng naturang batas.
Sinabi ng opisyal, protektado ang karapatang pantao sa Anti Terror Law.
Nauna nang iginiit ng militanteng grupo na ang pagpatay sa NDFP peace consultant ay bahagi ng kalupitan ng batas na naglalayong patahimikin ang mga komokontra sa gobyerno.
Hanggang sa kasalukuyan ay nanatili sa Pink Petals Memorial Homes sa La Loma ang bangkay ni Echanis at hindi pa rin ito nakukuha ng pamilya.
Hinihintay ni Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) chief P/Major Elmer Monsalve na magpakita ng dokumento tulad ng marriage certificate o ano pa man na magpapatunay na kamag-anak nila ang napatay.
Nanatili sa imbestigasyon ng CIDU, hindi si Echanis, ang isa sa pinaslang kung hindi isang Manuel Santiago batay sa narekober na identification card.
Matatandaan, mismong ang asawa ni NDFP consultant na si Erlinda Echanis ang kumilala sa kabiyak na pinaslang sa Unit J at K apartment sa No. 14 Petronian St., Barangay Nova Proper, Novaliches, Q.C nitong lunes ng madaling araw, 10 August.
Habang isinusulat ang balita, hindi malaman kung ngayong araw ay maire-release ang labi ni ‘Ka Randy’ sa kanyang pamilya. (ALMAR DANGUILAN)