SA Agosto 15 na mapapanood ang mga bagong programang hatid ng pinagbuklod na TV5 at Cignal TV. Isang quality entertainment ang handog ng kilalang free-to-air TV network at nangungunang direct-to-home (DTH) provider na angkop ngayong pandemiya at pagbabago.
“Ang TV5 ay kilala sa bansa bilang mahusay na tagapaghandog ng mga programa sa sports at balita. Kasama ng Cignal TV, mas mapaiigting ang kakayahan namin sa larangan ng entertainment,” anang Presidente at CEO ng Cignal TV at TV5 na si Robert Galang.
Kaya simula Sabado, ilulunsad na ang mga bagong programang tampok ang mga batikang komedyante at hosts. Magbibigay sila hindi lamang ng saya at tawanan kundi pati malalaking premyong handog ng TV5 sa sambayanan!
Mapapanood ng back-to-back ang mga bagong game show na Bawal na Game Show at Fill in the Bank mula 6:00-8:00 p.m..
Nais pagaanin ng Bawal na Game Show ang loob nating lahat ngayong pandemya. Masusubukan ang tibay ng mga manlalaro kung kakayanin nilang gawin ang mga ipinagbabawal na hamon. Tampok dito ang comedian-hosts na sina Wally Bayola at Paolo Ballesteros bilang ang kambal na sina Bebe Gurl at Barby Gurl. Sila ang mga pasaway na susubok sa tatag ng mga kalahok gamit ang kanilang galing sa pagpapatawa. Matira ang matibay at masunurin para masungkit ang premyong nagkakahalagang P100,000. Pagkatapos ng premiere nitong weekend, mapapanood ito tuwing Martes, Huwebes, at Sabado, 7:30 p.m..
Mamimigay naman ng limpak-limpak na papremyo ang Fill in the Bank. Aabot sa P150,000 ang puwedeng mapanalunan ng mga kalahok, basta makalusot sila sa bawat round. Bukod sa pagiging hosts, gagampanan din nina Jose Manalo at Pokwang ang mga piksiyonal na karakter na sina Chief Echoserong Officer (CEO) “Madeyer Jose” at Chismosang Falakang Officer (CFO) “Madam Poke.” Sa Fill in the Bank magkakasubukan ng kakayahan ang mga manlalaro at magpapatawa sa mga manonood.
Nariyan din ang Bangon Talentadong Pinoy! Makikita rito ang galing ng Filipino sa iba’t ibang sining tulad ng pagsayaw, pagkanta, at iba pa. Maaaring manalo ang mga kalahok mula P2,000 hanggang P5,000 o ‘di kaya ay P50,000 hanggang P250,000!
Kaabang-abang ang pagbabalik ni Ryan Agoncillo sa TV5 makaraan ang ilang taon ng huli siyang maging host ng orihinal na Talentadong Pinoy. Sa pagkakataong ito, kasama na niya sina Janice de Belen at Joross Gamboa bilang talent scouts.
Magsisimula na ang lingguhang pag-ere ng Bangon Talentadong Pinoy sa Sabado, Agosto 15, 8:00 p.m..
Samantala, ang batikang broadcast journalist na si Luchi Cruz-Valdes ay maghahatid naman ng kakaibang pag-uulat sa show niyang Usapang Real Life with Luchi (URL). Ipakikita rin sa programa ang mas personal na bahagi ng pagkatao ni Luchi at ng mga kilalang personalidad na kanyang kakapanayamin.
Hangarin ng URL na maging tagapaghatid ng mga kuwentong hihimok at magpapaantig ng puso ng mga manonood para mabigyan sila ng katatagan. Kabilang sa listahan ng mga panauhin sa programa sina Karen Davila, KC Concepcion, at ang celebrity couple na sina Richard Gomez at Lucy Torres-Gomez. Kasama rin ang internet sensation na si Ivana Alawi, Jane De Leon, at ang 2018 Miss Universe Catriona Gray.
Hindi rin matatawaran ang nakalinyang lifestyle, ang Fit for Life, na tampok si Jessy Mendiola bilang host.
Magsisilbi itong inspirasyon para maengganyo ang mga manonood na maging malakas at malusog sa pamamagitan ng pagkain ng tama at pag-eehersisyo. Inaasahan din na ilalahad ng aktres ang kanyang mga pinagdaanan upang makamit ang kapuri-puring pangangatawan.
Mapapanood ang Fit for Life tuwing Linggo, 7:00 a.m. simula sa Agosto 16.
Isa pang kaabang-abang na programa ang Chika, BESH (Basta Everyday Super Happy). Ang all-star cast nito ay kinabibilangan nina Pokwang, Pauleen Luna-Sotto, at Ria Atayde. Panigurado na ang saya at aral tuwing umaga sa hatid nilang mainit na balita sa showbiz, mga bagong kaalaman, at marami pang iba.
Kung good vibes ang hanap, ito na ang dapat panoorin! Markahan na sa kalendaryo ang pagsisimula ng Chika, BESH sa Agosto 17, Lunes, 10:00 a.m.. Ito ang kukompleto ng umaga mula Lunes hanggang Biyernes.
Walang duda ang hatid ng TV5 at Cignal TV na ligaya, aliw, at paglilingkod sa mga bago nitong programa. Mapatutunayan ito simula ngayong Sabado sa mas pinaganda at pinahusay na Kapatid Network.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio