Monday , December 23 2024

‘Purging’ palutang ni Roque sa pagpaslang kay Echanis (Joma muling idiniing int’l terrorist)

NAGPALUTANG ng intriga ang Palasyo kaugnay sa pagpatay kay National Democratic Front of the Philippines (NDFP) peace consultant Randall Echanis kamakalawa sa Novaliches, Quezon City.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi makatuwiran na pagbintangan ang administrasyong Duterte na nasa likod ng pagpaslang kay Echanis dahil may record ang kilusang komunista sa pagpupurga sa kanilang hanay.

“Huwag sana pong mabilis magbintang sa gobyerno dahil ang CPP-NPA nagkaroon din naman po sila ng karanasan na sila-sila nagpatayan,” ayon kay Roque sa virtual Palace press briefing kahapon.

Hinimok ni Roque ang publiko na hintayin ang resulta ng imbestigasyon ng pulisya sa Echanis murder case.

Sa isang kalatas ay mariing kinondena ni Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Ma. Sison ang pagpatay kay Echanis at sa kapitbahay niyang si Louie Tagapia.

“Duterte and his gang of butchers are truly monstrous for murdering the unarmed Randall and his neighbor,” sabi ni Sison.

Binigyan diin ni Sison na sineseryoso ng mga aktibista ang umano’y pagyayabang ni Interior Secretary Eduardo Ano na tukoy na niya ang kinaroroonan ng lahat ng aktibista at puwede niyang ‘walisin’ silang lahat anomang oras.

“It is widely known that the DILG secretary Año has been boasting to his staff and other people that he has mapped out the locations of all social activists through the local governments and neighborhoods and that he can wipe them out the social activists anytime. This boasting of Año is taken seriously by all the social activists that he threatens to kill,” ani Sison.

Iwas-pusoy si Roque sa babala ni Sison na ang sinapit ni Echanis ay magpapaigting sa pakikibaka laban sa administrasyong Duterte.

Aniya, hindi na siya sasagot sa mga pahayag ng isang umano’y bantog na ‘teroristang’ tulad ni Sison.

“Naku, iniimbestigahan pa po iyan at saka — huwag na po ninyo akong tanungin ng kahit anong komento tungkol sa mga sinasabi ng terorista. Hindi ko na po sasagutin iyan dahil that would be to dignify statements made by a worldwide notorious terrorist named Joma Sison,” ani Roque. (ROSE NOVENARIO)

BANGKAY NI ECHANIS
PATULOY NA IPINAGKAKAIT
NG PULISYA SA PAMILYA

SA KABILA ng paglutang sa punerarya at positibong pagkilala ni Erlinda Echanis sa bangkay ng asawang si National Democratic Front of the Philippines (NDFP) consultant at Anakpawis national chairman Randall “Randy” Echanis sa labi ng mister na balak ipaawtopsiya,  hindi pa rin ibinibigay ng Quezon City Police District (QCPD) ang katawan ng biktima.

Dakong 11:00 am kahapon nang magpunta si Erlinda sa Pink Petals Memorial Funerals Homes na matatagpuan sa La Loma Quezon City.

Nanawagan si Erlinda sa mga awtoridad na ibigay ang labi ng asawa upang kanilang maipaawtopsiya at mapaglamayan.

Ayon kay Erlinda, magpapatuloy ang laban ni Ka Randy, ang kanyang asawa, sa kabila ng mga nangyayaring panggigipit sa kanila.

Nauna rito, dakong 10:00 pm kamakalawa, nagpunta sa Pink Petals Memorial Funeral Homes ang kaanak ng pamilya Echanis at kinuha ang bangkay ng NDFP consultant at dinala sa St. Peter Memorial Chapels sa Quezon Avenue para sumailalim sa awtopsiya at iburol pero makalipas ang isang oras, dumating ang mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), binawi ang bangkay, at ibinalik sa Pink Petals Memorial Funeral Homes.

Kaugnay nito, ayon kay QCPD Director, P/BGen. Ronnie Montejo, hindi naman sa ayaw nilang ibigay ang bangkay, ayaw daw kasing makipag-ugnayan sa CIDU ang pamilya Echanis.

“Kailangan pumunta sila sa CIDU at magdala ng patunay na ang biktima ay si Echanis lalo na’t may narekober na ID sa biktima na ang pangalan ay ‘Manuel Santiago,’” paliwanag ni Montejo.

Ayon kay Montejo, iniiwasan din nila at baka may lumutang na kaanak ‘yung Manuel Santiago para mag-claim sa bangkay.

Matatandaan, natagpuang tadtad ng saksak ang biktimang sinasabing si Echanis nitong 10 Agosto 2020, dakong 1:35 am sa inuupahang apartment sa Unit J at K apartment na matatagpuan sa No. 14 Petronian Street, Barangay Nova Proper, Novaliches, Q.C.

Bukod kay Echanis, pinatay din ng mga suspek ang kapitbahay nito na si Louie Tagapia.

Limang salarin ang nakita ng mga saksing kapitbahay na tumakas makaraan ang insidente. (ALMAR DANGUILAN)

QCPD-LA LOMA
STATION PATONG
SA PUNERARYA?

TILA gustong pagkakitaan ng ilang kagawad ng Quezon City Police District (QCPD) – La Loma Station ang labi ni National Democratic Front of the Philippines (NDFP) peace consultant Randall “Randy” Echanis kaya tinangay mula sa nagdadalamhating pamilya habang nakahimlay sa St. Peter Chapels sa Quezon Ave., Quezon City kamakalawa ng gabi.

“Kalakaran sa mga pulis na may komisyon sa punerarya kapag sila ang nag-refer ng bangkay,” anang isang QCPD police asset.

Kaya sapilitang kinuha ng mga pulis ang bangkay ni Echanis mula sa puneraryang pinili ng pamilya patungo sa Pink Petal Funeral Homes sa La Loma, Quezon City dahil wala umanong release order.

“There is no law that gives the power to the police to seize the body of a deceased even assuming that that they will do it for purposes of criminal investigation,” pahayag ng abogado ni Echanis na si Atty. Jobert Pahilga.

Aniya, ayon sa Civil Code Article 309, “any person who shows disrespect to the dead, or wrongfully interferes with a funeral shall be liable to the family of the deceased for damages, material and moral.”

Natagpuan ang mga bangkay nina Echanis na tadtad ng saksak at may tama ng bala sa ulo, may marka ng pagpapahirap bago pinatay, at isang kapitbahay, matapos pasukin sa inuupahang apartment ng limang hindi pa kilalang salarin kamakalawa ng madaling araw sa Unit K, No. 14 Petronian St., Barangay Nova Proper, Novaliches, Quezon City.

Giit ni Pahilga, alinsunod sa Article 306 ng Civil Code, “the duty and the right to make arrangements for the funeral of a relative shall be in accordance with the order established for support. Under the Family Code, the order shall first come from the spouse.”

“This adds insult to our injury. It is both inhuman and unjust for the remains of my husband to be held under police custody and deprive us of having a proper and private mourning,” sabi ng biyuda ni Echanis na si Erlinda Echanis sa isang kalatas.

Ani Pahilga, kaduda-duda ang mabilis na pagkuha sa labi ni Echanis na nakatakdang isailalim sa awtopsiya ng forensic expert na si Dr. Raquel Fortun.

“His murder yesterday, with suspicious badges of cover-up and impunity, cannot go by the way of Randy Malayao’s, a fellow peace consultant who was shot in the head while sleeping on a bus in 2019,” pahayag ng Public Interest Law Center.

Nananawagan ang ilang progresibong grupo na palayain si Paolo Colabres, ang paralegal na inaresto ng mga pulis nang sinundan sila matapos agawin ang bangkay ni Echanis. (ROSE NOVENARIO)

About Rose Novenario

Check Also

Listahan ng mga bawal na paputok at pyrotechnic device inilabas ng PNP

Listahan ng mga bawal na paputok at pyrotechnic device inilabas ng PNP

KASUNOD ng inspeksiyon ni PNP Chief P/Gen. Rommel Francisco Marbil sa mga tindahan ng mga …

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *