TINIYAK ng Palasyo na iimbestigahan ang isang opisyal ng Office of the President dahil sa hindi makataong pagtrato sa dalawang empleyado na nagpositibo sa coronavirus disease (CoVid-19).
Isiniwalat ng HATAW, mahigit dalawang linggong inilagay sa tambakan ng Malacañang ang dalawang kawani mula sa Office of the President (OP) Engineering Office ng kanilang boss na si Edgardo Torres.
Nang pumutok sa media ang kalunos-lunos na sitwasyon ng dalawang OP employees na mahigit dalawang linggo nang nagtitiis sa pinaglagakan sa kanilang bodega cum tambakan ng mga construction materials at sirang gamit sa Palasyo ay nainis umano si Torres at pinaiimbestigahan pa ang mga tauhan kung sino ang nagligwak nito sa media.
Ipinauubaya ni Presidential Spokesman Harry Roque kay Executive Secretary Salvador Medialdea ang pagsuheto kay Torres dahil siya ang boss ng OP.
“Kung totoo po na roon sila pina-quarantine, under inhumane conditions, siyempre po, I will call out the attention of Mr. Torres coursing it through the Executive Secretary dahil siya naman po kumbaga ang tumatayong boss ng Office of the President bukod kay Presidente siyempre. Asahan ninyo po iyan,” sabi ni Roque sa virtual press briefing kahapon.
Nabatid sa source sa OP na si Torres ay nakatakda umanong magretiro noong nakalipas na Mayo dahil sa mandatory retirement age na 65 anyos ngunit binigyan ng ekstensiyon ang kanyang serbisyo ng isa umanong mataas na opisyal ng Palasyo na kanyang padrino.
“Dapat bago magretiro si Torres ay ma-lifestyle check dahil may balita na may bahay umano siya sa Baguio City at dito sa Metro Manila. Hindi biro ang halaga ng mga bahay sa Baguio City di ba?” anang isang OP employee. (ROSE NOVENARIO)