ni Rose Novenario
NAGLAHONG parang bula ang mga lupain na pagmamay-ari ng state-run Intercontinental Broadcasting Corporation (IBC-13).
Ang IBC-13 ay direktang nasa superbisyon at kontrol ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) mula pa noong 2010.
Batay sa 2018 Annual Audit Report ng Commission on Audit (COA), umaabot na lamang sa P79,002,954 ang halaga ng “land and land improvements” ng IBC-13.
Labis na nakapagtataka na naging napakaliit na lamang ng halaga ng lupain ng IBC-13 mula sa P935,940,400 noong 2009.
Sa inihandang report ni Victor A. Pasayan, manager, APMD noong 1 Oktubre 2009, nakasaad ang certificate of title ng mga lupain ng IBC-13.
Kasama rito ang 21 titulo ng lupa sa Balabago, Jaro, Iloilo; sa Calle Rizal, Iloilo; sa Roxas City; sa Bacoor, Cavite; sa Cabungaan, Laog City; sa La Perla Condominium; dalawang lote sa Matina, Pangi, Davao City at ang pinakamalaki ay sa Broadcast City sa Quezon City na nagkakahalaga ng P911,000,000.
Makaraan ang 11 taon, ang halos isang bilyong pisong halaga ng real estate properties ng IBC-13 ay naging P79,002,954 na lang.
Kamakailan ay hiniling ni Sen. Christopher “Bong” Go sa Office of the President at PCOO na imbestigahan ang pagkakasadlak ng IBC-13 sa naghihingalong sitwasyong pinansiyal maging ang kahilingan ng rank and file employees na isapribado na ang state-run network upang magkaroon ng tunay na may-ari at magmalasakit sa korporasyon. (MAY KASUNOD)