MALUNGKOT na kinompirma ni Manila Police District (MPD) director BGen. Rolando Miranda na namatay ang isa sa kanyang police station commander matapos isugod sa Manila Medical Center nang makaramdam ng paninikip ng dibdib kamakalawa ng gabi sa United Nations Avenue, Ermita, Maynila.
Binawian ng buhay habang nilalapatan ng pang-unang lunas si Lt. Col. Michael Garcia, station commander ng MPD Malate Station (PS-9) dakong 9:46 pm sa Manila Med.
Ayona kay P/BGen. Miranda, dakong 7:00 pm nang isugod ng kanyang mga tauhan si Garcia sa naturang ospital matapos uminda ng pagsikip ng dibdib at nahirapan sa paghinga.
Ayon sa ulat, cardiogenic shock secondary to acute coronary syndrome myocardial infarction ang sanhi ng pagkamatay ng opisyal.
Kaugnay nito, sinabi ng asawa ni Garcia na ang kanyang mister ay matagal nang nagrereklamo ng pananakit ng dibdib na posibleng dulot ng heart enlargement.
Una nang nagnegatibo sa CoVid-19 test si Garcia.
Si Garcia ay kabilang sa PNPA Class 99.
Kaugnay nito, ipinag-utos ni Miranda sa lahat ng MPD personnel na magsagawa ng contact tracing sa mga nagkaroon ng close contact kay Garcia o makipag-ugnayan sa DHS para mai-monitor ang kanilang kalagayan.
Nabatid na dalawa pang mataas na opisyal ng MPD ang nagpositibo sa CoVid-19 at dinala sa isolation facility sa NCRPO. (BRIAN BILASANO)