MADUGO. Napakagastos. Ito ang iginiit ng aming kausap ukol sa hindi na talaga itutuloy ang produksiyon ng teleseryeng pagbibidahan sana nina Julia Montes, Paulo Avelino, Zanjoe Marudo, at Nadine Lustre, ang Burado.
Nakahihinayang dahil napakaganda pa naman nitong behikulo para sa pagbabalik ni Julia na matagal nawala sa showbiz.
Kamakailan, nabalitang nag-back-out si Julia sa project na ito dahil sa naka-lock-in ang taping bagamat hindi naman ito kinompirma ng aktres.
Pero kahapon, nakatanggap kami ng balita mula sa Dreamscape Entertainment na hindi na nga itutuloy ang project na ito dahil anila, “We will not pursue the production of ‘Burado.’ The pre-pandemic concept involved shoot in multi-countries and action pack scenes which is difficult to mount at this time.”
Iginiit pa ng Dreamscape na, “madugo ang tapings nito. Napakalaki pa ng magagastos.”
Noong July sana uumpisahan ang taping nito pero dahil sa pandemic, imposibleng magawa ang planong kunan ito sa iba’t ibang bansa tulad ng sa Thailand, India, at Cambodia.
Sinabi rin ng Dreamscape na imposible ring mailipad sa bansa ang Thai actor na kasama rito, si Denkhun Ngamnet.
Huling napanood si Julia noong Pebrero sa 24/7 nila ni Arjo Atayde. Ito ang unang proyekto ng aktres bago ang matagal-tagal na pahinga. Nakaapat na episodes sila ni Arjo bago naipatupad ang quarantine sa NCR.
Samantalang si Nadine, ang Your Moment ang pinakahuli niyang project sa ABS-CBN at si Paulo naman ay sa The General’s Daughter.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio