Saturday , November 16 2024

NDF peace consultant pinaslang (Tadtad ng saksak at tama ng bala, Bangkay sapilitang kinuha ng 10 pulis ng QCPD La Loma)

PATAY at tadtad ng saksak nang matagpuan ang kinilalang isang peace consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at isang kapitbahay matapos pasukin sa inuupahang apartment ng limang hindi pa kilalang salarin sa Novaliches, Quezon City kahapon ng madaling araw.

Sa ulat kay Quezon City Police District (QCPD) Director, P/BGen. Ronnie Montejo, kinilala ang mga biktima na sina Randall “Randy” Echanis, 72, NDFP consultant at kasapi ng NDFP committee on socio-economic reforms, ng Unit K, No. 14 Petronian St., Barangay Nova Proper, Novaliches, QC, at Louie Tagapia, 48, kapitbahay ni Echanis na umookupa sa Unit J.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, kinilala si Echanis sa pangalang  ‘Manuel Santiago’ batay sa nakuhang identification (ID) card sa kanya.

Ayon sa pulisya, dakong 1:35 am nang maganap ang krimen sa ikalawang palapag ng apartment.

Ayon sa saksing kapitbahay, nagising siya dahil sa ingay na narinig mula sa ikalawang palapag ng apartment. Nang silipin mula sa bintana, kanyang nakita ang limang lalaki na nagmamadali sa pagtakas.

Dahil dito, tinawag niya ang kanyang tatay para alamin kung ano ang nangyari. Pag-akyat, tumambad sa kanila ang wala nang buhay na si Tagapia na nakahandusay sa sahig at nakatali ng nylon cord ang mga kamay sa likuran.

Sumunod na nakita ng mag-ama ang katawan ni Echanis na tigmak din ng dugo at nakahiga sa folding bed. Ang dalawa ay tadtad ng saksak sa katawan.

Agad ipinagbigay-alam ng mga testigo sa may-ari ng apartment at humingi sila ng tulong sa barangay.

Kinompirma ng Anakpawis party-list na si Echanis ang isa sa biktima.

Sinabi ni dating Anakpawis representative Ariel Casilao, si Echanis ay chairman ng Anakpawis at deputy secretary general ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP). Siya rin ang  3rd nominee ng Anakpawis noong 2010 elections.

Kaugnay nito, dakong hapon kahapon, muling nagpatawag ng press conference ang QCPD sa pangunguna ni Montejo upang ‘linawin’ sa media na hindi pa sigurado kung ang pinaslang na si Echanis nga ang bangkay.

Hiniling din ng QCPD director na ‘i-hold’ muna ang ‘balita’ hangga’t hindi pa umano sila nakatitiyak na si Echanis ang bangkay dahil wala pang kaanak na umaako rito. (ALMAR DANGUILAN)

BANGKAY SAPILITANG
KINUHA NG 10 PULIS
NG QCPD LA LOMA

TINATAYANG 10 kagawad ng Quezon City Police District – La Loma Station ang sapilitang kinuha ang bangkay ng peace consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa harap ng nagdadalamhating pamilya habang nakahimlay sa St. Peter Chapels sa Quezon Ave., Quezon City, kagabi,

Ang bangkay ni Randall “Randy” Echanis, 72, ay positibong kinilala ng kanyang asawang si Erlinda Echanis.

Kinilala ng babaeng Echanis ang bangkay ng asawa na aniya’y may torture marks, tadtad ng saksak, at tama ng mga bala ng baril sa katawan.

Dinala sa St. Peter Chapels, Quezon Ave., ang bangkay ni Echanis, pero ayon sa kanyang asawa na si Erlinda at mga kaanak na nagdala ng kanyang labi sa punerarya, pinuntahan sila ng mga pulis at pilit na binawi ang bangkay dahil wala pa umanong ‘release order.’

Dinala umano ng mga pulis ang bangkay ni Echanis mula sa puneraryang pinili ng pamilya patungo sa Pink Petal Funeral Homes sa La Loma, Quezon City, ani Erlinda.

Sapilitang kinuha ng mga pulis ang bangkay ni Echanis dahil wala umanong release order.

“What release order? There is no such thing!” pahayag abogado ni Echanis na si Atty. Jobert Pahilga.

Sa pinakahuling balita, inaresto ng La Loma police ang abogadong si Pahilga habang nakikipag-usap sa tanggapan ng St. Peter Chapels at pinigil sa kanilang himpilan.

“Kinokondena namin ang walang tigil at masidhing pananakot at pandarahas ng PNP La Loma-QCPD

at ang garapal na pagnanakaw sa labi ng aking asawang si Randall “Randy” Echanis mula sa amin,” ani Erlinda.

ANG pinaslang na si Randall Echanis (kaliwa) kasama ang mga kapwa NDFP peace consultant Vicente Ladlad (natatabingan), NDFP Negotiating Panel member Benito Tiamzon (gitna) at dating NDFP resource person for political and constitutional reforms at ngayon ay Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Damagoso (kanan). [Retrato ni Jon Bustamante/Kodao]

PAGPASLANG SA NDF
PEACE CONSULTANT
‘WAG IBINTANG — PALASYO

NANAWAGAN ang Malacañang sa publiko na hintayin muna ang resulta ng imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) bago ibintang kahit kanino ang pagpatay kay National Democratic Front (NDF) peace consultant Randall Echanis.

“Let’s wait for results of police investigation before pinning death of Echanis on anyone,” sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque sa isang text message sa media kahapon.

Sa kalatas ay sinabi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na kombinsido sila na kagagawan ng puwersa ng estado at mga mersenaryo ng gobyernong Duterte ang pagpatay kay Echanis

“We have all reasons to believe that this is the handiwork of state forces and mercenaries of the Duterte government,” anang KMP.

Si Echanis ay national deputy secretary general ng KMP, isang long-time NDFP consultant at miyembro ng NDFP committee on socio-economic reforms at naging bahagi ng peace talks sa administraysong Duterte mula 2016 hanggang 2017, ayon sa Anakpawis.

Batay sa ulat, natagpuan ang bangkay ni Echanis, 72-anyos, sa inuupahang apartment sa Petronian St., Brgy. Nova proper, Quezon City, na tadtad ng saksak kahapon ng madaling araw.

Naunang ini-report sa Quezon City Police District (QCPD) Station 4 ang pagkamatay ng isang Manuel Santiago at sa follow-up report ay natuklasan na si Echanis ang biktima.

Dakong 5:00 am nang mabisto ang duguang bangkay ni Echanis at isang Luis Tagapia sa naturang apartment.

May kalabugan umanong narinig ang mga kapitbahay ni Echanis at nang silipin nila’y nakita ang limang lalaki na nagmamadaling umalis.

Ayon kay dating Anakpawis representative Ariel Casilao, nagpapagamot si Echanis at hindi armado nang salakayin ng mga ‘pulis’ ang bahay.

“Our anger is beyond words. This is a culture of extrajudicial killings with impunity under the Duterte regime. This is a declaratory act that national leaders of legal-democratic movement are now targeted to be killed by the Duterte regime,” ayon kay Casilao. (ROSE NOVENARIO)

About Almar Danguilan

Check Also

Robin Padilla West Philippine Sea WPS

Para sa impormasyon tungkol sa West Philippine Sea
SEN. ROBIN, PCG GAGAWA NG PELIKULANG ANTI-FAKE NEWS

MAY pinaplanong sine si Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla para maghatid ng tamang impormasyon sa …

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *