MAY takot pa ba na lumulukob sa dibdib ng dating aktres na si Deborah Sun?
Naging laman na rin ng mga balita dahil na rin sa mga kinasangkutan niyang isyu at kontrobersiya si Deborah. Droga. At iba pa. At tinanggap naman niya at pinagdusahan ang mga kasalanan.
At sa pagbangon niya, sa mga pagbabagong nasimulan na rin niyang gawin para mabura na ang parusa ng nakaraan, nagsasabi pa rin namam si Deborah na gusto pa rin niyang maka-arte sa harap ng kamera. Kahit sa panahong ito na umaariba pa rin ang pandemya.
Kinumusta ko si Deborah. Sabay ng pagpapahatid sa kanya ng paayudang pagkain mula sa may-ari ng RBiel’s Bistro na si Dom Villaruel.
Hindi lang tuwang-tuwa si Deborah. Mangiyak-ngiyak ito habang kausap ko.
Sixty one na ang senior na aktres. At may diabetes.
“Wala. Hindi ako nakaiinom ng gamot, matagal na. Walang pera. ‘Pag mayroon akong kaunting pera iyon gamot ni Jam (anak niya) ang binibili ko.”
Kasama rin nila ni Jam ang bunso niyang si Jemmalyn.
“Naku lagi akong lumalabas din. Bibili ng gamot ni Jam, pagkain namin. Bahala na si Lord sa akin, sa amin. Hindi ako papayagang mawala agad sa mga anak ko.
“Nagbigay sila ng ayuda para kay Jam lang, isang beses lang. Sa akin wala eh senior citizen ako. Kasi si Jam, PWD ‘di ba. Isa lang ang pwede. Kasi ako ang guardian ni Jam. Nagbigay sila galing yata sa Mayor, kay Joy Belmonte, P2k sa senior. Tapos sabi ng marami dalawang beses iyon dapat. ‘Ika ko baka nasa bulsa na ng kung sino. Ha ha ha…”
Ang laki ng pasasalamat ni Deborah sa dati ring artistang si Beth “Bote” Bautista.
“Ito si Bote pa nga ang nagbigay sa akin ng cellphone noong lumaya ako sa correctional ng 2007. ‘Pag labas ko, siya nasa labas at sinalubong ako, binigyan ako ng cellphone at iyang sim card number na iyan, ‘yan pa rin ang gamit ko until now.
“Ang sobra ang pasasalamat ko, kay Ara Mina. Sa totoo my dear hirap ako, kami talaga. Mabuti na lang mabait si Ara hindi kami pinaaalis dito sa condo niya. Noong lockdown nagpadala siya ng groceries and isang kabang bigas. Tapos noong naka-confine si Jam nagpadala siya ng pera.
“Sobra ang bait. Noong nakakulong kami ng anak ko. Mayroong nag- interview sa kanya, kay Ara. Sabi, ‘Eh, ‘di Ara papaalisin mo na sila Deborah sa unit mo na tinitirhan nila ng mga anak niya?’ Alam mo sagot ni Ara—-KUNG NOON TINULUNGAN KO SI TITA DEB, MAS TUTULUNGAN KO SIYA, SILA NGAYON. KASI MAS LALONG KAILANGAN NI TITA DEB, NILA NG TULONG NGAYON.’ Iyan ang sagot ni Ara sa reporter. Ipinakita lang sa akin noong nandoon pa kami sa loob. Kaya sobra ang pasalamat ko sa Panginoon sa mga taong patuloy na tumutulong sa akin. Kaya gusto ko magkatrabaho. Sabi nila may nagbukas sa TV5. Sana, makapag-guest din.”
Sana nga, mabigyan pa ng pagkakataon si Deborah na nagnanais pa ring maging makabuluhan ang buhay sa kabila ng mga dinaanang dagok!
HARD TALK!
ni Pilar Mateo