Saturday , November 23 2024

Mayor Alfredo S. Lim humayo pauwi sa dakilang pinagmulan (Isang maligaya at mapayapang paglalakbay…)

KUNG mahirap magpaalam sa isang kaibigang pumanaw sa panahon na maaari pa silang makita bago ihatid sa huling hantungan, mas lalo ngayong panahon ng pandemya na tila bigla na lang silang mawawala.

Magugulat na lang tayo na sila’y nasa ospital at kasunod nito’y pumanaw na. Ang masakit, ni abo nila’y hindi natin masisilayan.

Hindi kayang sukatin kung gaano ang sakit at kalungkutan na idinulot ng biglang pagkawala ng isang taong itinuturing natin na malapit sa atin — si Mayor Alfredo S. Lim.

Ganito ang naramdaman ng mga taong humanga, naniwala, at nakaranas ng mga kabutihan o benepisyong natamo sa panahong nanunungkulan si Mayor Lim.

Higit ang mga taong malalapit sa kanya, na dating nakikita siya araw-araw o kaya’y nakakausap sa telepono o sa cellphone ngayong panahon ng pandemya.

Sa ganang atin, ang pagkalungkot ng inyong lingkod ay dulot ng pakiramdam na tila nawalan na naman tayo ng isang tatay, at kaibigan sa lahat ng panahon.

Opo, matatawag kong ‘taga sa panahon’ kapag naging kaibigan si Mayor Lim na kilala rin nating Mr. Dirty Harry ng Manila Police.

Hindi ko malilimutan ang kanyang moral  support noong umagang-umaga’y puntahan niya ako sa Emergency Room (ER) ng Manila Doctors Hospital (MDH) nang ako’y arestohin sa kasong Libel noong 1 Abril 2015, araw ng Linggo. At hindi lang araw ng Linggo kundi Pasko ng Pagkabuhay, sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Dahil sa ilang health condition, pero walang maipadalang doktor ang pulisya, kaya nagpadala kami sa naturang ospital.

Bagamat nakapagpahinga ako, hindi pa rin mawala sa isip ko na baka sunduin pa ako ng pulis sa ER kahit nakikipag-ugnayan na sa kanila ang mga abogado ko, mabuti na lamang at ginising ako ng nakangiting si Mayor Lim.

Kung tutuusin ay wala namang obligasyon si Mayor Lim na puntahan ako sa ospital nang araw na iyon pero ginawa niya.

At hindi ko na po iyon malilimutan kahit kailan.

Ganoon din ang nakita kung umaapaw na pasasalamat at magagandang  mensahe para kay Mayor sa social media.

‘Yung mga professional ngayon na nasa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno o ahensiya ng pamahalaan, ilang taga-media, at mga nagtatrabaho sa iba’t ibang malalaking pribadong kompanya  — na nakinabang sa libreng pag-aaral sa kolehiyo sa pamamagitan ng City College of Manila (CCM) ngayon ay Universidad de Manila (UDM).

Sa libreng edukasyon na iyon ay naiangat nila ang kanilang buhay dahil nakakuha sila ng maayos na trabaho.

Hindi lang libreng edukasyon, hindi ba’t si Mayor Lim ang nagtulak na magpatayo ng pampublikong  ospital sa bawat distrito ng lungsod? Limang distrito ang pinatayuan niya ng ospital, na ngayon ay nagagamit ng buong lungsod sa kasalukuyang pandemya.

Diyan sa mga proyekto niyang libreng edukasyon at pagpapaospital, hindi tayo miminsang lumapit sa kanya kapag may nangangailangan ng tulong. At hindi rin tayo napahiya.

Kahit minsan ay hindi rin niya tayo binigo.

‘Yung Arroceros Park, na kanyang ipina-restore sang-ayon na rin sa mungkahi ni Mr. Charlie Fiel, na kanyang dating public relations officer.

Ang Arroceros Park ang sinasabing last lung ng Maynila, kaya katuwang ang isang non-government organization (NGO) ay ini-restore nila ito. Mabuti na lamang at hindi nagtagumpay ang ilang nagbabalak na ibenta ito noon.

Si Mr. Dirty Harry, mula sa pagiging hepe ng pulisya ay naging NBI director, naging  mayor ng Manila, senador, interior secretary, at muling nagbalik na alkalde.

Hindi siya binansagang Mr. Dirty Harry nang gayon na lamang. Sa totoo lang, bago ang gera sa droga ni Pangulong Rodrigo Duterte, si Mayor Lim ang may pinakamatapang na pakikihamok sa mga drug lord.

Ang kanyang “shame campaign” sa pamamagitan ng pagpipinta sa bahay ng mga kilalang sangkot sa operasyon ng ilegal na droga ay kinatakutan kaya naitaboy ang mga big time drug pusher sa labas ng Maynila.

Nitong Sabado, 4:30 pm, pumanaw ang butihing mayor, sa edad 90 anyos.

Maraming nasaktan, maraming umiyak, at naniniwala akong maging ang mga dating katunggali ay magsasalong ng sombrero bilang pagbibigay pugay sa magiting na alkalde ng Maynila.

Ipinag-utos na ng kasalukuyang alkalde, Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, na patayin ang ilaw sa clock tower ng city hall bilang simbolo ng pagluluksa ng buong lungsod.

Humiling din si Mayor Isko ng panalangin para sa pumanaw na alkalde.

Hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwala…

Mayor, saan ka man naroroon, hangad ko ang inyong mapayapang paglalakbay pabalik sa ating Dakilang Pinagmulan…

Hanggang sa muli.

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Sir Jerry Yap JSY Ed de Leon

Sa unang Pasko na wala siya
JSY HINDI NAKALIMOT SA MGA EMPLEYADO

ni ED de LEON AYOKONG isipin na wala na si Boss Jerry. Ang laging nasa …

Sir Jerry Yap JSY Nino Aclan

JSY, the best boss that i’ve ever met

ni Niño Aclan SIR JSY is the “Best Boss” that I’ve ever meet. Ganito ko …

Sir Jerry Yap JSY Bong Son

Totoong tao, tunay na kaibigan, best boss ever

ni BONG SON TUNAY na ako’y napahanga sa ipinakitang pagmamahal ng publisher ng HATAW Diyaryo …

Sir Jerry Yap JSY Ms M

Forever grateful kay JSY

ni Maricris Valdez-Nicasio COOL boss. Ganito ko sabihin at ilarawan ang aming publisher na si …

Sir Jerry Yap JSY Rose Novenario

Matatag, maaasahan, may paninindigan
PINAKAMATAAS NA PAGSALUDO SA IYO, SIR JERRY!

ni ROSE NOVENARIO KUNG ilalarawan ko ang pagkatao ni Jerry Sia Yap bilang employer at …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *