“HINDI namin na-discuss.” Ito ang sagot ni Perci Intalan, programing head ng TV5 nang matanong sa virtual conference noong Miyerkoles ukol sa may alok o deal nga ba ang TV5 kay Coco Martin para maipalabas ang Ang Probinsyano sa kanilang estasyon.
“To be honest, umeere pa ang ‘Ang Probinsyano,’ so ayaw naming… ‘di ba? ‘Pag ganoong usapan ayaw namin ‘yung magkaroon na naman ng usapan na nanunulot, respetuhan ito eh. May show pa silang ongoing so…and they are producing it to be fair and square. Hindi namin ikinonsidera,” paliwanag pa ni Intalan.
Idinagdag pa ng director na if ever lumapit ang kampo nina Coco sa Kapatid Network, bukas ang kanilang pintuan.
Actually, ito rin naman ang iginiit ng president at CEO ng TV5 na si Robert Galang, bukas ang kanilang pintuan sa lahat ng gustong makipag-partner o makipagtrabaho sa kanila.
Aniya, bukas ang kanilang network sa mga block timer o iyong mga producer na gustong ipasok ang kanilang show sa kanilang network. Nauna na nga riyan ang TAPE Inc. ni Tony Tuviera na uumpisahan na ang ilang show tulad ng Bawal na Game Show nina Wally Bayola at Polo Ballesteros at ang Fill in the Bank nina Jose Manalo at Pokwang.
Uumpisahan na rin ang morning show na Chika Besh! (Basta Everyday Happy) nina Pokwang, Pauleen Luna, at Ria Atayde.
Ukol naman sa kumalat na tsikang nasaktan si Vice Ganda na tinanggihan umano ng TV5 dahil sa asking price na P3-M, ito ang sagot ni Intalan.
“Tatapatin kita, as per programing is concerned, walang umabot na show sa akin with Vice in it.
“Ang alam ko kasi malaki ang plano ng ViceGanda.com na content niya. So I don’t know if later down the road, that content kasi alam mo naman ngayon ang content nasa digital, minsan nasa TV napupunta or vice versa.
“Puwede naman naming i-discuss ‘yun (show with Vice). So far, wala pa naman akong ikino-consider pa or anything in it to be with Vice Ganda kaya maybe later.”
Iginiit pa ni Intalan na, ”Hindi kami nakatingin sa ganoon (magbabayad ng malaking TF). Na kukuha ka ng artista tapos ito ‘yung guarantee mo. Nakatingin kami sa show. So, kung may maglalapit ng show, ang pinag-uusapan naming ngayon, actually hindi relevance ang TF ng artista eh, kasi ang producer ang kausap namin eh. Magkano ‘yung show? Kung magkakaa-ayos tayo sa presyo ng show, eh ‘di go, ‘di ba? Ganoon ang set-up namin now.”
At kahit si Sharon Cuneta, sabi pa ni Intalan, ang bumalik sa TV5 willing silang tanggapin ito kung may magpo-produce o magba-blocktime ng show nito. ”Bukas ang pinto namin. Walang bad blood,” paglilinaw ng director.
Sa pag-urong-sulong naman ng show ni Kris Aquino sinabi ni Intalan na walang usaping political kundi, ”Wala talaga. We’re very excited actually to launch, ‘Love Life with Kris’. Kasi ‘di ba tapos na ang shoot for tvc, nag-pictorial na si Kris sa studio. Sayang nga pero hinihintay pa rin namin sila, hindi naman sarado ang pintuan.”
Nilinaw din ni Intalan na, walang problema sa show, ”May mga aayusin sila, may discussion pa sila. Kung ‘yung aayusin preparation for the show maybe that. Ang hirap din kasing magsabi ng judgement kasi bahay nila yan eh. As far as we’re concern, ready kami.”
Idinagdag pa ni Perci na open na open sila sa lahat. ”Block-timer shows from ABS-CBN open kami. Open din to everybody including talents from ABS-CBN kasi ganito ginagawa namin ngayon eh.
“We are working with independent producers na magbibigay sa amin ng program. Pwede kasing line production, pwede naman ding co-production, pwede ring blocktime. It has always been the position of TV5 eversince that we are open to everybody, regardless of network, we can work with everybody. Kami ay kapatid ng lahat,” giit pa ni Intalan.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio