HANGGANG tatlong araw na lamang ang palugit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa local government units (LGUs) upang aksiyonan ang construction permit applications ng telecom companies para sa pagpapatayo ng cellular towers sa buong bansa.
Nagbanta ang Pangulo na sinomang hindi makasunod sa ‘3-day ultimatum’ ay kanyang pakakasuhan at posibleng masuspinde o masibak.
Kasamang binalaan ni Duterte ang mga punong barangay na tumigil sila sa pag-aastang parang panginoon sa kani-kanilang lugar, na ang mga tiwali sa kanilang hanay ay kanya rin pakakasuhan.
“The clock is ticking except on the days that we do not hold office. I will count 72 hours during weekdays. For example if the application has been there on Monday, then two to three days should be Thursday,” paliwanag ni Duterte.
Iniutos din ng Pangulo sa lahat ng local councils sa bansa na ipaalam nila sa DILG ang kanilang compliance sa ‘3-day ultimatum’ matapos maipabatid sa kanila ang nasabing palugit.
Ipinaliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang ‘3-day ultimatum’ ng Pangulo ay pakiusap lamang, partikular sa miyembro ng mga lokal na konsehong hindi saklaw ng modified enhanced community quarantine (MECQ) na madaliin ang aksiyon sa work permits and licenses applications ng lahat na digital infrastructure projects, lalo ang cell sites sa mga kanayunan.
Sinabi ni Roque, kaugnay ang pakiusap ng Pangulo sa lumutang na problema sa internet connectivity ngayong nahaharap ang sistema ng ating edukasyon sa tinawag na flexible learning, kasama ang online classes.
Ang kakulangan ng cellular towers, lalo sa malalayong probinsiya, ay tinukoy ng mga mag-aaral, magulang at maging ng mga guro na pangunahing balakid sa epektibong pagpapatupad sa tinawag na distance learning.
Nauna nang naipabatid sa Pangulo ng isang telecom company executive na inaabot umano ng hanggang walong buwan bago aksiyonan ng ilang LGUs ang lahat ng permitting requirements dahil halos 25-29 permiso ang kakailanganin para maipatayo ang isang cellular tower.
Sa panig ni DILG Secretary Eduardo Año, inabisohan niya ang lahat ng LGUs na may mga nakabinbing applications para sa work permits ng cell site construction na agad nilang aksiyonan.
“As the President has ordered those LGUs with pending applications from telcos should be released (approval or rejection) in three days. If their requirements are lacking, you have the reason to disapprove. You do not withhold and delay,” paliwanag ni Año.