“THERE is a special place in hell for people who take advantage of the misery of others.”
‘Yan ang sinabi ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri dahil sa kanyang labis na pagkadesmaya sa grabeng ‘nakawan’ at ‘pangungrakot’ sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), ang primary state agency na binasbasang magpatupad ng universal health care law pero ngayon ay nabubuyangyang sa publiko na punong-puno pala ng korupsiyon.
Sa ulat ng Department of Budget and Management (DBM) ganito ang sinabi: “In view of the full implementation of the Universal Health Care (UHC) Act in 2020, the UHC program is allocated PhP166.5 billion. Some PhP67.4 billion is allocated for the National Health Insurance Program (NHIP) of the Philippine Health Insurance Corporation (PHIC), while PhP92.2 billion is set for the Department of Health (DOH). Additionally, PhP7.0 billion is earmarked for the Human Resources for Health Deployment Program, under the DOH Miscellaneous Personnel Benefits Fund.”
O ha, ganyan pala kalaki ang budget nito?
Kaya sa sunod-sunod na pagbubunyag ng iba’t ibang uri at iba’t ibang sistema kung paano ‘pagnanakawan’ ang sambayanang Filipino sa pamamagitan ng PhilHealth talagang wala na lang tayong masasabi kundi sana nga’y sa impiyerno mapunta ang mga opisyal ng gobyerno na walang sawa at walang awat sa pandarambong lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Kung totoo ang mga pagbubunyag na ginawa kahapon sa Senado sa instigasyon ni Senator Ping Lacson, hindi umano kukulangin sa P15 bilyon ang napunta sa cuarta moneda ng mga itinuturong ‘mafioso’ sa loob ng state-run health insurer para sa taong 2019 lamang.
Tinawag itong ‘crime of the year’ ng dating anti-fraud officer na si Atty. Thorrsson Montes Keith, na nagbitiw sa kanyang trabaho dahil hindi na raw niya masikmura ang nakikita niyang namamayagpag na katiwalian sa ahensiya.
Pero sinabi rin niya, hindi lang ito nangyari sa panahon ng kasalukuyang hepe na si President and CEO Ricardo Morales. Matagal na raw itong nangyayari sa control ng ‘mafia’ na ilang taon nang dinarambong ang ahensiya. Nalungkot lang umano siya at labis na nadesmaya dahil kahit may utos si Pangulong Rodrigo Duterte kay ex-BGen. Morales na sibakin at durugin ang ‘mafia’ ay tila naging ‘coddler’ pa.
Ilan umano sa pagkakanlong na ginawa ni Morales ang proposal sa PhilHealth’s initial information and technology (IT) budget para sa 2020 ay umabot sa P2.1 bilyon.
Hindi umano inaprobahan ito dahil nga overpriced o ‘redundant’ ayon kay Alejandro Cabading, isang certified public accountant (CPAS) at isa sa mga board of director ng ahensiya.
“There were numbers in the IT budget and financial reports that do not add up,” ani Cabading sa Senate investigation.
Mantakin ninyong may mga presyong pinalobo nang 400% base sa aprobadong presyo ng Department of Information and Communications Technology (DICT)?!
Kabilang dito ang mga sumusunod:
- P21 million for Adobe Master Collection software (DICT-approved cost: P168,000)
- P40 million for application servers and licenses (DICT-approved cost: P25 million)
- P5 million for structured cabling (DICT-approved cost: P500,000)
- P42 million for identity management software (DICT-approved cost: P20 million)
- P21 million for office productivity software (DICT-approved cost: P5 million)
- P25 million for application servers and virtualization licenses (DICT-approved cost: P14.8 million)
Sa maanomalyang proposal ay kuwestiyonable ang two sets of laptops, na ang isa ay halagang P4.11 milyones, habang ang isa ay P115.32 milyones.
Mayroon pa umanong P98.07 milyon para umano sa ‘three projects’ pero hindi binaggit kung ano-ano ito.
Inaprobahan umano ni Cabading ang P25 milyones para sa IT ng PhilHealth, ngunit nagbigay umano g awtorisasyon si Morales para sa hiwalay na P302-milyong ‘supplemental budget’ para sa IT-related purchases.
At isang buwan pagkaraan ay inaprobahan din ni Morales ang P750 milyones para sa IT expenses.
Sa ganitong mga pangyayari lagi nating naaalala ang sinasabi ni Pangulong Digong — “I hate corruption…” pero kapag may inirereklamong malapit sa administrasyon ay sasabihin naman niyang — I trust my soldiers!”
Hindi kaya ang ibig sabihin niyan ay — “Galit ako sa korupsiyon… kapag ginawa ng iba. Dahil pinaniniwalaan ko na kayang-kayang gawin ‘yan ng mga pinagkakatiwalaan kong sundalo?!”
Tsk tsk tsk…
Huwag naman sana.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap