MAS prayoridad ni Pangulong Rodrigo Duterte na tiyakin na malakas at malusog ang mga sundalo kaya una silang pababakunahan kontra COVID-19 nang libre kaysa health workers na “frontliners” sa gera laban sa pandemya.
Iniangkla ni Pangulong Duterte sa counter-insurgency campaign ng kanyang administrasyon ang malasakit sa mga sundalo para unang makinabang sa libreng anti-COVID-19 vaccine para makipagsagupaan sa New People’s Army (NPA).
“Now itong mga NPA if they really want to get their shots free, they can always line up. And I will ask now the military and the police to be forgiving. ‘Pag nakapila sila roon — wala namang armas — just to get the shots, give it to them. Hindi na natin sila… After that if you go home, then we fight again but on even grounds. I want you to stay healthy because my soldiers are very, very healthy. And they should — they would get — they should be getting the first shots of the vaccine should we acquire them in due time,” ayon sa Pangulo sa kanyang public address kamakalawa ng gabi.
Habang sa hanay ng medical community, idinaan sa dagdag na pinansiyal na ayuda at benepisyo ang simpatya ng Pangulo.
Ang medical community ang umapela para ibalik sa enhanced community quarantine (ECQ) ang Mega Manila upang maibsan ang nasagad na health facility dulot ng paglobo ng kaso ng COVID-19.
Kaugnay nito, nanawagan ang Makabayan bloc sa kagyat na pagsibak sa mga retiradong heneral sa IATF at NTF, kabilang sina Delfin Lorenzana, Eduardo Año, at Carlito Galvez, kasama si Health Secretary Francisco Duque III para mabigyang daan umano ang mas epektibong pagbuo at implementasyon ng planong magpapalakas sa pangangalagang pangkalusugan.
Naniniwala ang mga progresibong mambabatas na dapat silang palitan ng mga tunay na eksperto sa public health, medisina, at siyensiya.
“Solusyong medikal ang kailangan ng health workers at mamamayan sa halip na kamay na bakal, military lockdown, Anti -errorism Act, at death penalty. Laban sa pandemya ang dapat harapin ng administrasyon, hindi gera laban sa oposisyon, kritiko, at ordinaryong mamamayan. Sa kabuuan dapat mangibabaw ang scientific at medical approach sa pagharap sa pandemya,” anila sa isang kalatas. (ROSE NOVENARIO)