INIHAYAG ni Department of Interior ang Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na kailangan muli ng ‘quarantine passes’ ng mga residente sa mga lugar na muling isinailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ).
Ayon kay Año, vice chairperson ng National Task Force (NTF) Against COVID-19, napag-usapan na nila ng mga alkalde sa National Capital Region (NCR) ang paggamit muli ng quarantine passes ng mga residente upang
makontrol at malimitahan ang paglabas ng kanilang mga tahanan.
Tanging ang mga awtorisadong indibidwal lamang ang papayagang lumabas ng bahay at dapat na mahalaga ang sadya, gaya ng pagbili ng kanilang mga pangunahing pangangailangan.
Ipinauubaya ng DILG sa local government units (LGUs) kung paano ito ipatutupad.
“Under MECQ, kailangan natin ng quarantine pass. Pinag-usapan na namin ng NCR mayors ‘yan. We leave it to the LGU kung paano nila i-implement,” paglilinaw ni Año.
Kaugnay nito, muling pinaalalahanan ni Año ang publiko na lumabas ng bahay at bumiyahe kung talagang kinakailangan.
Asahan umano ng publiko ang paglalagay muli ng quarantine checkpoints sa MECQ areas, partikular sa mga boarder nito.
“Ibabalik natin ‘yan (checkpoints), especially ‘yung sa borders ng outside MECQ areas…” dagdag ng DILG chief. (ALMAR DANGUILAN)