KUNG dati-rati’y todo paliwanag ang Palasyo hinggil sa patuloy na paglobo ng bilang ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa, kahapon ay tikom ang bibig ni Presidential Spokesman Harry Roque.
“We defer to DOH,” matipid na sagot ni Roque nang usisain ng media sa kanyang reaksiyon sa pagpalo sa 103,185 kaso ng COVID-19 sa bansa kahapon.
Inihayag ni Roque dakong 1:30 pm na nakatakdang makipagpulong si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang “key cabinet members” upang talakayin ang liham sa kanya ng frontliners na humirit na isailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ang Mega Manila dahil kapos na ang kanilang kakayahan na tugunan ang public health emergency.
“The President will meet today with key cabinet members to discuss yesterday’s letter from the frontliners . I will make the proper announcement in due course,” ani Roque sa text message sa media.
Hanggang isinusulat ang balitang ito’y wala pang resulta sa naturang pulong.
Kamakalawa ng hapon ay nakipagkita ang mga miyembro ng gabinete sa mga kinatawan ng Philippine Medical Association, Philippine Nurses Association, at Philippine Association of Medical Technologists upang talakayin ang mga isyu ng medical community sa gitna ng mga hamon ng COVID-19 ngunit ang grupong nanawagan para sa ECQ na Philippine College of Physicians ay hindi kasama sa meeting.
Kabilang sa mga nakipagpulong sa kanila sina Executive Secretary Salvador Medialdea; Health Secretary Francisco Duque, Defense Secretary Delfin Lorenzana, Trade and Industry Ramon Lopez, Cabinet Secretary Karlo Nograles, Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, National Task Force Chief Implementer Charlie Galvez, Jr., Deputy Chief Implementer of the NTF Vince Dizon, at iba pang senior government officials.
Sa press conference kahapon ng umaga, sinabi ni Dr. Maricar Limpin, Vice President of the Philippine College of Physicians (PCP), na hindi lang community quarantine ang kanilang rekomendasyon.
“Kailangan natin diyan ang isang extensive, comprehensive na estratehiya para mas epektibo nating makontrol ang spread ng COVID-19 infection. Kailangan isang direksiyon lang ang kapupuntahan ng bawat isa,” aniya.
Giit niya, ang implementasyon ng health measures ay hindi dapat iasa sa mga lokal na pamahalaan bagkus ay dapat gabayan ito ng Department of Health (DOH).
“We are the last line of defense, ‘wag na nating pabayaan na ang last line of defense natin ay bumagsak,” dagdag niya. (ROSE NOVENARIO)