Monday , December 23 2024

Laging Handa, Laging Palpak

HINDI pala laging handa sa coronavirus disease (COVID-19) ang state-run television network na mouthpiece ng administrasyong Duterte sa kampanya kontra sa pandemya.

Nabisto ito nang nagkagulo sa tanggapan ng People’s Television Network Inc. (PTNI) matapos matanggap ang ulat na apat na kawani nila ang nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) noong Sabado ng hapon.

Base sa update ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) sa media, umabot na sa lima ang aktibong COVID-19 case, isa ang recovered at isa ang pumanaw sa PTNI.

Nabatid sa source na naunsiyami ang nakatakdang  rehearsal sa PTNI para sa “relaunch” ng ilang programa sa state-run TV network  dahil may mga nag-walkout umano nang mabatid na ilan sa nagpositibo ay nakakahalubilo nila sa mga nakalipas na araw.

“Parang wala sila talagang plano para sa mga empleyado e. Ang dami na nag-positive noon sa rapid test, pero pinapapasok pa lahat ng tao para sa relaunching,” anang source.

Ilang minuto makaraan ang “tension” ay naglabas ng advisory ang management na magsasagawa ng “total disinfection” sa pasilidad ng PTNI sa Visayas Ave., Quezon City kaya’t hiniling sa mayoryang kawani na mag-work from home.

Sinabi sa PTNI advisory na limitado ang ieere nilang programa simula ngayon kabilang rito ang virtual press briefing ng Presidential Spokesperson, public address ni Pangulong Rodrigo Duterte, hourly news breaks at 6:00 pm news.

Kasama sa hindi mapapanood ang programang Laging Handa nina PCOO Secretary Martin Andanar at Undersecretary Raquel Tobias Ignacio, overseer ng PTNI.

Napag-alaman sa source na kasama sa “relaunch” ng mga programa sa PTNI ang paglalagay ng millennial segment sa PTV News Tonight na ang magiging host ay ex-Pinoy Big Brother (PBB) housemates, umano’y dating kasamahan ni Paco Evangelista, ang overseer ng News Department.

Nabatid na isang pribadong advertising agency ang ‘nakapasok’ sa PTNI at binigyan umano ng ‘malaking diskuwento’ sa anunsiyong isasahimpapawid sa news program ng state-run network hanggang Disyembre.

Nakapasok umano ang pribadong advertising agency nang maupo si Katherine de Castro bilang PTNI general manager kamakailan.

Anang source, bahagi ng “relaunch” ang pagpapalit ng titulo ng ilang programa ng PTNI gaya ng Bagong Pilipinas na magiging Rise and Shine.

Naging bahagi ng Bagong Pilipinas si Jules Guiang ,ang sinibak ng management ng PTNI dahil sa paghahayag ng kanyang saloobin sa mga kaganapan at kontrobersiyal na usapin sa bansa sa kanyang social media accounts.

Mabilis pa sa kidlat na nakatanggap ng kanyang ‘walking papers’ si Guiang makaraan siyang mag-tweet ng kanyang opinion kaugnay sa pagdinig sa Committee on Legislative Franchises sa renewal ng ABS-CBN franchise.

Nag-viral sa social media ang tweet ni Guiang at nang araw na iyon ay inabisohan si Guiang na hindi na kailangan ng PTNI ang kanyang serbisyo.

Sa isang kalatas ay sinabi ni Guiang na mahigit 400 kawani ng PTNI ay kontraktuwal ang estado at malimit nagdarasal na ma-renew ang kanilang kontrata tuwing 3,6 o 12 buwan.

Hinimok ni Guiang ang bagong PTNI management na madaliin ang proseso ng pagreregular sa mga obrero, pagtuunan ng pansin ang kapakanan ng mga manggagawa sa gitna ng pandemya, at itrato ang kanilang mga tauhan nang may malasakit, paggalang at pagkilala sa kanilang ambag sa state-run network.

Batay sa 2019 Report on Salaries and Allowances na inilabas ng Commission on Audit (COA) para sa PTNI kamakailan, ang dating general manager/ board of director na si Julieta Lacza ay tumanggap ng sahod na P2,463,911.27; Von Mesina, head executive assistant 1,463,726.92; Alex Pal, department manager 1,196,098.31; Alexander Poncio, department manager 956,728.04; Monetta Nigos, department manager 849,062.04; Rosemarie Manalansang, department manager 843,584.14; Maila Mamaril, department manager 649,752.82; Maria Angela Gatan, department manager 508,220.00; at Jasmine Barrios, department manager 402,759.60.

Habang si Tobias-Ignacio bilang PCOO Undersecretary ay tumanggap ng P2,850,576 na salary at allowances para sa taong 2019. (ROSE NOVENARIO)

About Rose Novenario

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *