SA KABILA nang mahigpit na pagbabantay at daang-daan pulis ang nagkalat para magbigay seguridad sa ika-limang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte, nagawang malusutan at tambangan ng riding-in-tandem ang hepe ng National Center for Mental Health (NCMH) at ang driver nito sa Quezon City kahapon ng umaga.
Sa inisyal na ulat kay Quezon City Police District (QCPD) Director, P/BGen. Ronnie Montejo, mula sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), ang mga biktimang namatay noon din ay kinilalang sina NCMH chief, Dr. Roland Cortez at ang driver niyang si Ernesto dela Cruz.
Sa imbestigasyon, dakong 7:00 am nang maganap ang insidente sa kanto ng Cassanova Drive at Tandang Sora Avenue, Barangay Culiat QC.
Sakay ang mga biktima ng pulang Toyota Vios, isang government vehicle, may plakang DAZ 3464, at binabagtas ang Tandang Sora Avenue.
Pagdating sa kanto ng Cassanova Drive at Tandang Sora Ave., dumating ang mga suspek sakay ng motorsiklo at pinagbabaril ang dalawa sa loob ng sasakyan.
Makaraan ang pananambang mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi malamang direksiyon.
Patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya sa insidente.
Si Cortez ay naitalaga, 10 buwan matapos magretiro ang dating hepe noong 22 Oktubre 2018 kasabay ng pagdiriwang ng Mental Health Week.
Tatlumpong taon na si Cortez sa Department of Health (DOH) at nagsilbi bilang Assistant Secretary for Support to Service Delivery Technical Cluster I.
Naging medical center chief din siya ng DOH-retained hospitals kabilang ang Valenzuela Medical Center, Las Piñas General Hospital and Satellite Trauma Center, Amang Rodriguez General Hospital, Jose R. Reyes Memorial Medical Center at ang East Avenue Medical Center.
Sinabi noon ni Cortez sa kanyang pag-upo bilang hep eng NCMH, isusulong niya ang pagbabago at pauunlarin ang serbisyo ng sentrong ospital sa pag-iisip, lalo’t kilala na sa buong mundo dahil sa technical expertise.
Tatlong aspekto ang target pagtutuunan ng pansin ni Cortez, una, ang pisikal na kalinisan ng institusyon, sa workplace, at sa kapaligiran.
Ikalawa, binigyang-diin ni Cortez, kailangan itrato nang maayos ang mga pasyente nang may dignidad, at ikatlo ang kahalagahan ng presensiya, hindi lang sa pisikal na aspekto, kundi ang maramdaman sila ng mga pasyente sa pagtupad sa kanilang tungkulin at responsibilidad.
Simula umano noon, araw-araw nang umiikot sa iba’t ibang wards at pavilion si Cortez. (ALMAR DANGUILAN)