MAIGTING na isinusulong ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang panawagan na ‘lethal injection’ ang ipataw sa mga mapapatunayang nagkasala ng heinous crimes kasama na rito ang mga big time drug trafficker.
Mukhang pursigido ang Pangulo na itulak ito sa loob ng kanyang huling dalawang taon bago bumaba sa puwesto.
“I reiterate the swift passage of a law reviving the death penalty by lethal injection for crimes specified under the Dangerous [Drugs] Act of 2002,” ‘yan ang mariing pahayag niya sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) kahapon.
Nararamdaman natin ang hangarin ng Pangulo na linisin ang bansa laban sa ilegal na droga. Isa ito sa malaking laban na hinaharap hindi lang ng Pangulo kundi ng buong bansa.
Pero gaya nang dati, marami ang hati sa pagbabalik ng death penalty. Marami ang naniniwala na marami ang magiging biktima ng inhustisya dahil hindi patas ang umiiral na batas sa ating bansa.
Sa kasalukuyan lang nga, hindi maayos ang mga buy bust operations kaya sa totoo lang kapag may mahusay na abogado ang mga akusado, nalulusutan nila ang kaso.
Sa imbestigasyon ng pulisya, mas marami ang ‘nakalulusot’ kaysa naninindigan sa kanilang trabaho.
Kaya papabor lang ang death penalty sa ating bansa kung maayos ang pagpapatupad ng batas.
Kasabihan nga, sa Filipinas kapag wala kang pambayad sa abogado tiyak na ika’y makakalaboso.
Kung drug trafficker ang target ng ‘lethal injection’ paano tayo nakatitiyak na hindi gagapang ang milyones ng mga ‘drug lord’ para maibasura lang ang batas at kung sakali mang may death penalty ganoon din naman ang gagawin nila — influence peddling — sa rami ba naman ng kuwarta nila.
Sa madaling sabi, hindi magiging matagumpay ang ‘death penalty’ sa isang bansang ‘butas-butas’ ang sistema ng hustisya.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap