ILALAHAD ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ika-limang State of the Nation Address (SONA) sa Lunes, 27 Hulyo, ang pandemic recovery roadmap sa kabila na umabot na sa 72,269 katao ang nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, tampok sa isyung tatalakayin ng Pangulo sa SONA ang mga hakbang na ginawa ng kanyang administrasyon para labanan ang COVID-19 pandemic.
“I think there’s no other problem as big as COVID right now, and you can imagine that the upcoming State-of-the-Nation-Address will discuss this pandemic in much detail. But I think the difference will be, he will be presenting now a roadmap for recovery, which actually, if you’ve noticed the economic team has not unveiled yet. And I think the reason is they want to unveil it in the SONA itself and in many fora after the SONA,” ani Roque sa panayam sa CNN kahapon.
Kaugnay nito, inihayag ni Maricar Piedad, Ibon Foundation researcher, ang economic recovery program na ikinasa ng administrasyong Duterte ay mas nakatuon sa pagpapatuloy ng mga proyekto sa ilalim ng “Build,Build,Build” kaysa mas kailangang realokasyon ng mas malaking pondo para tugunan ang COVID-19 pandemic.
Ani Piedad, ang Philippine Program for Recovery with Equity and Solidarity (PH-PROGRESO) ng pamahalaan ay nagpapakita na mas nakakiling para unang isalba ang malalaking negosyo kaysa sambayanang Filipino.
Ang malaki aniyang budget na inilaan para sa mga pribadong korporasyon ay dapat ilipat sa pagpapalakas ng healthcare structure.
“Fiscal measures for health and economic recovery should go hand in hand instead of pitting one against the other since overall economic performance is very much reliant on the well-being of the Filipino work force,” ani Piedad.
Aniya, kailangan bigyan proteksiyon ng pamahalaan ang mga mamamayan lalo na’t mayorya sa mga obrero ay nasa panganib na magkaroon ng COVId-19.
Hindi aniya makababangon ang ekonomiya kung sakitin ang mga manggagawa, wala pang sapat na social benefits at proteksiyon, at limitado ang kakayahan sa mataas na halaga ng COVID-19 treatment.
“The government should speed up the efforts in broadening and building up testing and hospital capacity. More than ever, it should make healthcare accessible and affordable for every Filipino. This includes making COVID-19 testing and treatment free for all,”dagdag ni Piedad. (ROSE NOVENARIO)