IGINIIT ni Senator Christopher “Bong” Go na hindi dapat payagan ng Department of Education ang face-to-face classes sa pagsisimula ng school year sa 24 Agosto hangga’t walang bakuna laban sa COVID-19.
Sinabi ni Go, totoong mahalagang makapag-aral ang mga bata pero may mga paraan para hindi sila ma-expose sa sakit.
Kaugnay nito, muling hinikayat ni Go ang DepEd na gumamit ng ibang paraan ng learning para matiyak na masusunod ang physical distancing at health and safety protocols.
Ayon kay Go, hindi dapat ma-pressue ang mga bata na pumasok sa eskuwelahan kahit may banta sa kanilang kalusugan.
Hinimok ni Go ang DepEd na gabayan ang mga bata sa bagong mode of learning na maraming estudyante ang walang laptop at internet access para masiguro na maging pantay ang oportunidad sa kanilang hanay.
Una nang pinuri ni Go ang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Republic Act No. 11480 na nag-aamyenda sa Section 3 ng RA No. 7797 o mas kilalang An Act of Lengthen the School Calendar mula sa 200 days pero hindi lalampas sa 220 class days. (CYNTHIA MARTIN)