SANA naman ay hindi isang malaking gimik ng ‘spin doctors’ ang biglang pagsoga ng Department of Education (DepEd) sa itinuturing nating isa sa hanay ng ‘vulnerable sectors’ — ang mga batang estudyante — sa biglang naisipang face-to-face classes na karaka-rakang sisimulan ngayong 24 Agosto 2020.
All the while, naka-focus tayong lahat — lalo ang mga magulang at mag-aaral — na ang pagbubukas ng klase sa taong ito ay gagawin sa sistemang “blended learning” sa pamamagitan ng mass media (television radio at iba pa) at online classes para sa mga may access sa internet.
Pero, hindi nga lahat ng pamilya ay may kakayahang magkaroon ng internet connection at kung mayroon man, kinakailangan pang umakyat sa tuktok ng bundok para makakuha ng signal.
In short, baka maging ‘epic fail’ ang online classes sa mga lugar na walang signal at walang internet connection.
‘Yan siguro ang rason kung bakit biglang lumutang ang face-to-face classes umano sa mga ‘low-risk area’ na idedeklara ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID).
Ayon kay Secretary Liling Briones, may apat na kondisyong umiiral sa isang lugar bago ito ideklarang low risk area.
Una, kailangan approved ng IATF at classified ang isang local government o isang eskuwelahan na ‘low risk.’ Aniya, “para lang ito sa mga paaralan, para lang ito sa local governments kasi sila ang humihingi nito na low ang kanilang risk assessment.”
Pangalawa, kailangan mag-comply sa requirements ng Chief Implementer. Halimbawa, i-limit iyong mass gatherings; kung air-conditioned man ang mga paaralan, ikontrol ang temperatura ng classrooms; kailangan ang size ng classrooms lalo sa public school angkop para sa social distancing; at pinakaimportante, compliant sa minimum health standards ng Department of Health.
Kailangan daw, at the most 20, depende sa size ng school room at saka may mga facilities – mayroong tubig, mayroong stock ng mga gamot at saka every so often binibisita ng health officer.
Pangatlo, maaari ito sa mga lugar na napakababa ng health risk, kagaya ng mga probinsiya, mga isla na zero level ang kanilang record sa mga bagong COVID cases, sa malalayong lugar na hindi naman naabot ng coronavirus at may suporta ng local government.
At pang-apat, mahalaga ang suporta at cooperation ng parents.
Heto ngayon ang tanong, Madam Liling, kung ‘low risk’ ang lugar ibig sabihin may pagkakataong puwedeng mag-high risk.
Bakit hindi COVID-free ang unang requirement bakit low-risk lang?
Bakit kailangan makipagkarerahan sa mga bansang malinis na sa COVID-19 kaya nagbukas ng klase gaya ng Vietnam at Singapore?
Ang layo ng diperensiya sa ginawa ng Vietnam at Singapore kung paano nila tinalo ang COVID-19 kaysa sa ‘gimik’ ngayon ng IATF.
Isasalang ba ninyo sa panganib ang buhay ng mga batang estudyante sa face-to-face classes?
E paano ‘yung mga teacher na may comorbidities safe ba sila sa face-to-face classes?
Hindi ba’t IATF mismo ang nagsasabi na bawal lumabas ang senior citizens at ang mga bata dahil sila ‘yung vulnerable sector.
E ba’t biglang nagbago ang ihip ng hangin ngayon?!
Ang isyu bang ito ay isa na namang ‘panliligaw’ sa mga tunay na isyu para ang sambayanan ay maging abala riyan sa isyung face-to-face classes?
Madam Liling, kahit ang dami po ninyong paliwanag, isa lang ang itatanong ng mga magulang —
“Kasama ba ‘yan sa sinasabi ninyong blended learning? Ang manlito at magpataranta ng mga magulang?”
Ipirmis na ninyo Madam Liling, ano-anong programa ba talaga ang nasa “blended learning?”
Baka mamaya pagkatapos niyang face-to-face classes, may naisip na naman kayong bagong eskema?!
Ang dami na pong nabaon sa utang para makabili ng laptop at pocket wi-fi para sa mga anak nila. Huwag na po ninyong pasakitin ang ulo ng mga magulang.
Kailangan po ng simpatiya ng mga mamamayan ngayong panahon ng pandemya, hindi pahirap.
MGA PASAWAY SA CAVITE,
DEADMA LANG SA PULIS
AT BARANGAY OFFICIALS?
PARANG wala raw awtoridad sa ilang bahagi ng Cavite City dahil nagkalat ang mga pasaway sa kalye.
Kaliwa’t kanan ang makikita sa Cagayan, San Roque, at Cavite City.
Sandamakmak ang mga nakaistambay, babae man o lalaki, mga batang naghahabulan at naglalaro sa kalye, walang suot na face masks. Hindi takot sa COVID-19 ang mga residente.
Kung dati ay sa Rosario, Cavite ang may mataas na bilang ng COVID-19, ngayon natalo na ng Cavite City. May 30 sa Rosario at sa Cavite City ay 40,
Aba ‘e anong silbi ng pulisya at hindi inaaresto ang mga tambay? Ano na ginagawa ng mga barangay officials sa lugar!
Paging Gov. Jonvick Remulla and Martin Diño! Paki-check lang po ang mga pasaway na ‘yan.
Paging Mayor Totie Paredes!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap