SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
MAGPASAYA at matulungan ang mga kapwa niya komedyante lalo na iyong mga stand-up comedian ang dalawang layunin ni Vice Ganda sa pagtatayo ng Vice Ganda Network na sa Hulyo 24 na mapapanood ang pinakaunang handog nito, ang Gabing-Gabi Na Vice.
Ani Vice Ganda, gagawin niya ang lahat para makatulong sa mga kapwa niya artista na nawalan ng trabaho maging sa mga taga-ABS-CBN.
“Una naming gustong i-accommodate ‘yung mga nawalan ng trabaho sa ABS-CBN, mga writers, graphic artists and other talents, especially ‘yung mga nakatrabaho ko na noon pa.
“I also want to help the stand-up comedians na natengga dahil wala na ang live performances. Ang sakit sa puso ko, hindi ko pwede pabayaan ‘yung mga anak-anakan ko. I want to give them a platform,” giit ni Vice.
Sa pagtatayong ito ng network ng host comedian, sinasabing makiki-level na siya kay Oprah Winfrey na matagal nang nagpapatakbo ng sariling network. Natawa naman dito si Vice dahil hindi pa niya iyon naisip. Ang mahalaga kasi sa kanya ay makapagbigay-trabaho at makatulong.
Sa kabilang banda matagal nang pangarap ni Vice ang magkaroon ng online show hindi lang niya kaagad naasikaso dahil naging abala siya sa mga proyekto sa pelikula at telebisyon. Ngayong nabawasan na ang ginagawa niya, nagkaroon na siya ng oras para asikasuhin ang Gabing-Gabi Na Vice.
Pumunta lang sa official VICE GANDA NETWORK website, www.viceganda.com.ph para una ka sa latest na pa-good vibes ni Vice Ganda araw-araw. Dito’y malalaman ang latest na Vice Chika, kumuha ng Vice Beauty tips, magkaroon ng chance na makakuha ng Vice giveaways, sumali sa mga Vice palaro, at panoorin ang latest Vice videos.
Hindi lang ‘yan, front row ka pa lagi sa mga laugh trip ni Vice Ganda kasama ang kanyang mga guest every week na kahit gabing-gabi na ay game na game pa rin makipaglaro at makipag-kulitan. May sexy guests, hot guests, at makukulit na guests pa.
Samantala, sa pakikipag-tsikahan ng entertainment press kay Vice sa digicon (via Zoom), inamin nitong napakahirap talagang maging positibo sa mga panahong ito.
“Ang hirap, everyday there’s a new heartache. Ang dami talagang challenges, pero kailangang kumapit. Life is so precious, ‘di pwedeng bumitaw.
“We have been focused sa fame, sa pera, at sa pagso-social media. Pero ngayon pwede mo nang bitawan ang lahat ng ‘yan. The most important thing is to protect our health and trust in the Lord!”paglalahad pa ni Vice.
Pahayag ng TV host, kinarir na niya ang pagsisimula ng operasyon ng Vice Ganda Network para kahit paano’y makatulong sa mga nawalan ng work dahil sa pagsasara ng ABS-CBN.
“Hindi pwedeng ngumanga na walang ginagawa. This is also part of my growth even at my age,” dugtong pa ng komedyante.
Suportado ang digital network ni Vice ng management at marketing team ng Viva Entertainment gayundin ng ABS-CBN.
“Hiningi ko ito ng basbas sa ABS-CBN kaya nagpapasalamat ako, pati sa mga endorser ko.
“I am so blessed that I was given the opportunity to work with the best people at ABS-CBN and viva who shared their wisdom with me. Napapaligiran ako ng magagaling na tao.
“Even si Deo (Endrinal, ng ABS-CBN) marami siyang nai-share sa akin para rito,” kuwento pa ng TV host-comedian.
Bukod sa talk show na Gabing Gabi Na Vice, mapapanood din sa VGN ang 10-episode sitcom kasama ang mga kaibigan niyang stand-up comedians; isang interactive game show; bonggang karaoke challenge; at mga documentary.
“Kailangan klang mag-subscribe sa network para ma-qualify sa game show, at para mapanood nila ang lahat ng ipi-feature namin,” dagdag pa ni Vice.
Ukol naman sa kung saan gagawin ang taping ng mga naturang show, sinabi ni Vice na gagamitin niya ang dalawang bahay niya at studio. At susundin nila ang lahat ng Covid-19 safety protocols.