UMABOT sa 34 magulang ang nasampolan nang arestohin makaraang masagip ang 40 pasaway na menor de edad na nasa labas ng kanilang mga bahay nang madaanan sa isinagawang operasyon ng Manila Police District (MPD) at Manila Social Welfare Department sa siyam na barangay sa Maynila.
Sa ulat ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, ikinasa ang operasyon dakong 8:30 am hanggang 11:30 am sa Barangays 228, 221, 61, 56, 55, 53, 52, 51, at 50 sa pangunguna ni SMaRT P/Maj. Raul Salle, MPD PS7 P/Capt. Joseph Jimenez, at MDSW Director Charlie Pingol.
Matatandaan, seryosong nagbabala si si Moreno sa mga magulang na sila ang papanagutin sa kasalanan ng kanilang mga menor de edad na anak.
Nabatid, ang rescue operation sa menor de edad ay base sa IATF guidelines na nagsasaad na hindi umano pinapayagan lumabas ng bahay ang lahat ng 21-anyos pababa.
Ang mga magulang ng mga pasaway na menor de edad ay mahaharap sa kasong paglabag sa Ordinance no. 8243 (Anti-Child Endangerment Act); at RA 7610 Section 3 para C sub para. 6.
“Ang mga magulang at guardians ay isinailalim sa inquest proceeddings sa Manila Prosecutor’s Office.”
Gayondin ang isang 17-anyos menor de edad ay kakasuhan ng disobidience.
Napagalaman, patuloy ang pagsagip ng MPD at MSWD sa mga palaboy sa lansangan at dinadala sa mga pasilidad tulad ng Manila Boys at mga covered court sa Paco, San Andress at Rasac sa Alvarez St., Sta Cruz Maynila. (BRIAN BILASANO)