Friday , November 15 2024
Bulabugin ni Jerry Yap
Bulabugin ni Jerry Yap

DILG-PNP’s house-to-house vs asymptomatic COVID-19 patients ‘tiradang bright boys?’ (Sa gitna ng lumalalang pandemya, maralitang Pinoy ang maysala)

KAWALAN ng sentido komun kontra desperasyon?

        Alin kaya sa dalawa ang estado ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año nang iutos niya sa Philippine National Police (PNP) na mag-house-to-house para hanapin umano ang mga pasyenteng asymptomatic sa COVID-19 at dalhin sa quarantine facilities?!

        Oops, huwag muna kayong tatawa…

        Paano ba ‘yung kawalan ng sentido komun?

        Una, kung babalikan natin, ang haba ng panahon ng lockdown o enhanced community quarantine (ECQ). Hindi ba’t mula Marso hanggang Hunyo?

Mahigit tatlong buwan po iyon.

        Mayroong inilaang budget na P275 bilyones para lutasin ang pandemya. Plus $5.8 billion foreign loans na para rin sa pandemya.

Bukod pa sa budget na ‘yan, ang itinayong quarantine facilities sa iba’t ibang lugar. Ang pinakamalaki yata ‘e ‘yung sa Clark Sports Village, pero wala na tayong nabalitaan tungkol dito. Hindi natin alam kung nagamit nga ba ang nasabing quarantine facility.

Baka balak mo kaming balitaan Action Plan Against COVID-19 Deputy Chief Implementer and Testing Czar Secretary Vince Dizon, dahil ikaw naman ang namamahala ng nasabing pasilidad, hindi ba?

Ano na ba ang status ngayon niyan?

Sa panahon na hindi lumalabas ang mga tao sa kanilang tahanan dahil mahigpit ang utos ng mga awtoridad, ‘yan sana ang sapat na panahon para magkaroon ng mass testing at contact tracing.

Pero hindi nangyari. Sabi ng IATF, walang budget sa mass testing.

E pinalobo ba naman sa P8,100 ng PhilHealth ang testing ‘e, malamang nga masaid ang P275 bilyones na noo’y pagkukuhaan pa ng P5,000 – P8,000 ayuda para sa mga maralitang pamilya na nawalan ng pagkakakitaan dahil kailangang nasa loob lamang ng bahay.

Dahil ang sabi sa utos: “Stay Home, Stay Safe!”      

‘Yan ‘yung panahon na kaunti pa lang ang apektado o nahawaan ng COVID-19. Ibig sabihin kung kaunti pa, manageable ang sitwasyon. Noong napakaliit pa ng bilang ng mga naimpeksiyon na sana’y dinala sa iba’t ibang quarantine facility at doon sinuri at ginamot, malamang hindi ganito kataas ang bilang na inabot natin.

Simpleng sentido komun po iyon.

Ibig sabihin ganoon lang naman talaga ang pagtugon na puwedeng gawin sa panahon na may mga apektado na ng COVID-19.

Simpleng first thing first strategy para lutasin ang isang krisis na kapag niluwagan ang pagresolba ay magreresulta sa mas marami at mabibigat na komplikasyon at implikasyon.         

        Simple lang sana pero naging komplikado sa ‘kinang’ ng P275 bilyones at P$5.8 bilyones foreign loans.

        Dito nagsimula sa ‘kinang’ ng multibilyong piso at dolyares ang mga komplikasyon at implikasyon sa paglaban natin sa COVID-19.

        ‘Overpriced’ polymerase chain reaction

(PCR) machine with rapid test kits, personal protective equipment (PPE) at iba pa na inimbestigahan pa sa Kamara at sa Senado na hindi maitatatwang ‘sabit’ si Health Secretary Francisco Duque III.

        Maraming umasa na sisibakin ni Pangulong Rodrigo Duterte si Duque, pero mukhang ‘mataimtim’ magdasal at ‘matiising manluluhod’ si Duque kaya nariyan pa rin sa DOH.

        Sa madaling sabi, mawala na kayong lahat pero hindi si Duque.

        Hindi lang ‘yan. Remember Staysafe.ph? Ang gagamitin sana sa contact tracing. Sa madaling sabi, ang Staysafe.ph ay magastos pero paglaon ay magiging inutil sa layuning  nais maabot ng pamahalaan labans a COVID-19.

Nabuking na hindi pala ito safe at walang kakayahang maging epektibo sa contact tracing.

        Sabi nga ni Mayor Benjamin Magalong ng Baguio City, bakit hindi gamitin ang teknolohiya ng PNP sa contact tracing, gaya ng ginawa nila? Epektibo na, libre pa. Kaya tagumpay ang Baguio sa laban nila kontra COVID-19.

Heto na tayo ngayon, inilagay sa modified community quarantine (MCQ) ang Metro Manila, kahit hindi bumababa ang apektado ng COVID-19.

Unit-unti na rin nagbalikan at nagbukas ang ibang negosyo pero hindi bumababa ang bilang ng mga nahahawa ng COVID-19, manapa ay tumataas.

Nitong Hunyo, sumirit sa 36,000 plus ang bilang ng mga apektado, kapos nang 3,000 plus sa prediksiyon ng UP na posibleng umabot sa 40,000 ang mahahawa ng COVID-19 dahil walang nakikitang makabuluhang pagbabago sa mga ginagawang hakbang ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID).

Pero hindi pa natatapos ang Hulyo, sumirit na sa 58,850 ang mga apektado ng COVID-19. Filipinas na ang pinakulelat sa Asya kung recoveries ang pag-uusapan.

Kaya heto na ngayon ang desperasyon ng mga bossing.

“Makulit kasi ‘yang mga ‘yan, walang disiplina, hindi sumusunod sa protocol!”

Arayko!

Mga litanya ‘yan ng paninisi sa mga pobre nating kababayan.

At dahil hindi naman bumaba ang bilang ng mga nahahawa, biglang iniutos ni Secretary Año ang house-to-house ng mga parak para raw suyurin ang mild, asymptomatic COVID-19 patients.

OMG!

Gagawin ba nila ang house-to-house na ‘yan sa malalaking subdibisyon sa Metro Manila — ang mag-house-to-house?!

Sabi ng netizens, ‘another tokhang in the making.’ Baka raw ‘yung nanlaban ay mapalitan ng nang-ubo, o nangtalsik ng laway, o nanghatsing.

Tipong joke only, but not really.

        Bakit daw kailangang mag-house-to-house ng mga pulis?

        Ang sabi ‘e: “Mild or asymptomatic COVID-19 patients should not be on home quarantine if they don’t meet the three requirements: own room, own bathroom, and absence of vulnerable person in the house.”

        Oy! Mantakin n’yo ‘yun, matapos ang mahigit sa tatlong buwang lockdown, pagkasaid ng P275 bilyones saka mare-realize na hindi epektibo ang home quarantine?!

        “Ayaw na po natin mag-home quarantine ang mga positive natin kung wala naman po talagang kapasidad ‘yung kanilang bahay,” sabi ni Año.

        Sana po noon pa! Noong kaunti pa lang ang mga COVID-19 patients. Sana noon po ninyo na-realize ‘yan.

        “Kaya ang gagawin natin, sa tulong ng LGUs (local government units) at PNP (Philippine National Police) ay ibabahay-bahay po natin ‘yan at dadalhin natin ang mga positive sa ating COVID isolation facilities!”

Hindi lang ‘yan, gustong kasabwatin ni Año ang publiko na mag-report sa awtoridad kung may nalalaman silang infected ng COVID-19 upang maiwasan umano ang pagkalat ng virus.

(Parang panahon ng Hapon ba ito? Mat magsusuot ng bayong para ituro ang mga kaaway nilang kapitbahay? Bwahahaha)

        Heto na, pasok na naman sa sentido komun. Bakit kailangan ng pisikal na house-to-house ng mga pulis at LGUs? Bakit hindi gamitin ang PNP app na sinasabi ni Mayor Magalong na epektibong nagamit nila sa contact tracing?!

        Hindi kaya naisip ni Secretary Año na ilegal ang sapilitang pagkuha sa isang tao?! Ano ang katibayan ng pulis na apektado ng COVID-19 ang taong kukunin nila? May dala ba silang sertipikasyon ng medical person na nagsasabing infected ang taong kukunin nila?!

        What’s happening dear Generals of IATF?

        Kung kalusugan ang pinag-uusapan natin dito, hindi ba kayang gawin ‘yan ng barangay health workers (BHW)?

        BHW dahil sila ang nakakikilala ng mga kabarangay nila. ‘E ‘yung mga pulis, kilala ba nila kung sino-sino ang mga nakatira sa isang komunidad na hindi naman sila nakatira roon?!

Kaya hayan, bigla namang naglinaw ang Palasyo through Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, “wala pong house-to-house.”

        Reported patients lang daw ang kukunin. ‘Yung mga pasyenteng inireport ng kanilang mga kamag-anak o ng kapitbahay o ng LGU mismo.

“We don’t have a provision for house-to-house. Only the political critics of the government, again, weaponizing this very important task of tracing. They will not go house-to-house,” sabi ni Roque.

Whoa?! Mga kalaban naman sa politika ang may kasalanan ngayon?!

Ano ba talaga?!

        “They will have to be reported. They will have to be reported by the persons themselves, their family or the barangay,” kampanya ni Roque

Aniya, ang pulis ay suporta o alalay para sa transportasyon ng pasyente at sa pagpapatupad ng lockdown sa apektadong area.

Kaya nananawagan raw sila na ‘yung mga asymptomatic (patients) at mild cases ay ‘boluntaryong sumuko’ para madala sa isolation centers.

“We are enticing them with the fact that these are air-conditioned centers, free lodging, free meals three times a day and with free Wi-Fi,” pangrarahuyo ni Roque.

        Mayroon din umanong doctors and nurses sa mga facilities.

Paano raw kung gusto ng pasyente na “stay at home” lang siya.

Sentido komun. It’s a very communicable disease. And if they refuse to be isolated, the state, of course, can isolate them.”

        Oy alam pala ni Secretary ‘yung sentido komun!

        Nakalimutan ba nila ang sinabi ni Secretary Karlo Nograles, co-chair ng government’s COVID-19 task force? Hindi nila pinapayagan ang home quarantine noong una pa man kahit sa mild COVID-19 patients dahil delikado nga itong makahawa.

        Kaya ngayon, parang bumalik lang sa umpisa ang IATF. Back to square one ang laban sa COVID-19.

        Parang wala lang ginastos na P275 bilyones at P$5.8 bilyong dolyares.

        Where have all the ‘bright boys’ gone?!

        Naglaho ang kuwarta, pero hindi ang mga mandarambong na ‘financial experts’ kuno!

        Ang mamamayang nagtitiis sa pag-aakalang pandemya’y maliligis?

NGANGA!

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *