GUSTONG bumida nang husto ang isang mataas na opisyal ng Palasyo at papelan ang lahat ng sektor ng sangay ng ehekutibo.
Bulongan ito sa sirkulo ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos umugong sa kanilang hanay na tatlong task force na ang nais kontrolin ng naturang top Palace official.
Si top Palace official ay tila hindi napapagod sa kadaldalan at napakametikuloso sa pagmamantina ng kanyang super short hair at may astang que sera sera kaya binansagang ‘Super Shoque’ na pambansang laway.
Ayon sa source, kinausap umano ng top Palace official si National Task Force (NTF) Against COVID-19 Chief Implementer Carlito G. Galvez, Jr., upang huwag nang magdaos ng kanyang regular press briefing.
Sinabi umano ng top Palace official na siya na ang bahalang magbigay ng update sa media kaugnay sa kampanya ng pamahalaan kontra coronavirus disease (COVID-19) gayong mas alam ni Galvez ang mga aktibidad at plano ng task force.
“Napakabait lang ni Gen. Galvez at napapayag niya, nahiyang tumanggi sa kanya pero sablay ‘yung ginawa niyang pakikialam sa NTF,” anang source.
Hindi pa umano nakontento ang top Palace official sa pag-epal niya sa NTF at gumagawa na rin umano ng paraan upang makombinsi ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF–ELCAC) na siya na rin ang italagang ‘mouthpiece.’
“Siguradong mahihirapan siya na mag-penetrate sa NTF-ELCAC dahil hindi basta puwedeng ipagkatiwala ang top security matters sa walang alam sa isyu,” dagdag ng source.
Matatandaan, napaulat noong 23 Abril 2020 na pinahinto si Cabinet Secretary Karlo Nograles na magsagawa ng regular virtual press briefing para sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
“Yes, nagkaroon na ng utos ang ating Executive Secretary (Salvador Medialdea) that information sharing will now be centralized through the Office of the Presidential Spokesperson,” sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque.
May umugong na balitang nagkaroon umano ng turf war sina Roque at Nograles.
Pinaalalahanan umano ng Palasyo si Nograles na hanggang IATF-EID resolutions lamang ang puwede niyang talakayin sa virtual press briefing at hindi ang mga may kaugnayan sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Pero sa NTF Against COVID-19 at NTF-ELCAC ay wala naman memorandum si ES Medialdea na ipaubaya kay Roque ang pagsasalita,” dagdag ng source. (ROSE NOVENARIO)