NAKAKITA ng oportunidad ang ilang ehekutibo ng Intercontinental Broadcasting Corporation (IBC-13) hindi para ibangon ang naghihingalong state-run TV network kundi para ‘patabain’ ang kanilang sariling bulsa.
Isasakatuparan umano ito sa pamamagitan ng pinalobong suweldo ng mga kukunin nilang mga empleyado sa implementasyon ng panukalang proyekto ng Department of Education (DepEd) na magsilbing Educational Broadcast Network ang IBC-13 na tinatayang aabot sa halagang P1.5-bilyon.
Batay sa IBC-13 Proposed 2021 Budget, ipinanukala para sa implementasyon ng DepEd project ang pagkuha ng creative directors, producers, production assistants, editors at graphic artists.
Nakasaad sa panukala na bibigyan ng P60,000 sahod ang creative director kada buwan; P50,000 para sa producer at P30,000 sa production assistant.
Habang sa post-production ay pagkakalooban ng kabuuang P1,680,000 suweldo sa loob ng isang buwan ang anim na editors, at tatlong graphic artists.
Ang nasabing halaga ng sahod ay malayo sa ipinatutupad na salary grade sa gobyerno na P48,000 sa creative director at producer; P18,000 sa production assistant; P46–47,000 sa editor, at P25,000 sa graphic artist.
Para sa anim na editors at tatlong graphic artists, aabot lamang sa P357,000 isang buwan kung susundin ang pamantayan ng suweldo sa pamahalaan, malayo sa panukala ng IBC-13 na P1.7-M kada buwan.
Hindi nakasaad sa panukala kung anong production outfit ang magsasagawa ng DepEd project at kung sino ang may-ari nito.
Nauna rito’y nabisto na sumasahod ng P200,784.58 kada buwan ang president and chief executive officer ng IBC-13 sa kabila ng hindi magandang sitwasyon sa pananalapi ng state-run TV station at habang may mga kawani itong sumusuweldo lamang ng mahigit anim na libo hanggang walong libong piso isang buwan.
Lumalabas na ang pinakamababang sahod ng kawani ng IBC-13 ay halos 4% lamang ng suweldo ng kanilang President at CEO na hanggang noong nakalipas na Abril ay si Katherine de Castro.
Itinalaga si De Castro ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang isa sa mga board of directors ng People’s Television Network Inc. (PTNI) at inihalal bilang general manager ng nasabing state-owned TV station.
Bago umalis sa IBC-13 ay inirekomenda ni De Castro si Corazon Reboroso bilang officer-in-charge at sumusuweldo ng P79,085.58.
Ayon sa source, imbes ipatupad ang regional wage hike, binawasan umano ni Reboroso ng P10 ang umento sa sahod kahit pa kakarampot na ang naiuuwing suweldo ng mga kawani sa kanilang pamilya. (ROSE NOVENARIO)