KINOMPIRMA ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang isang na malungkot na balita kaugnay sa pagpanaw ng isang frontliner na medical doctor na nakatalaga sa Justice Jose Abad Santos General Hospital (JJASGH) dahil sa COVID-19.
Ayon kay Mayor Isko, pumanaw dahil sa COVID-19 si Dr. Reino “Nong” Palacpac, isang pediatrician na naging frontliner ng JJASGH mula nang magsimula ang pandemya.
Dahil dito, muling pinaalalahanan ni Isko ang lahat ng medical frontliners na mas maging maingat para sa sarili kontra COVID-19.
Nanawagan ang alkalde sa lahat ng mga Manileño na nawa’y gawin ang kanilang ambag sa pamamagitan ng simpleng pagsunod sa health protocols.
Bilang punong tagapangasiwa ng anim na pampublikong ospital sa lungsod, kapwa nagpahatid ng pakikiramay sina Mayor Isko at Vice Mayor Honey Lacuna sa pamilyang naulila ni Palacpac.
Agad ipinag-utos ni Mayor Isko ang mabilisang pagpapalabas ng P1-milyon “Bagong Bayani Endowment Fund of 2020” para makatulong sa pamilyang naulila.
Ang naturang benepisyo ay alinsunod sa Ordinance 8639, na nakapaloob rin ang scholarship ng mga naulilang anak ng namatay na health workers sa Pamantadan ng Lungsod Maynila (PLM) o sa Universidad de Manila (UDM).
“We know that no amount of financial assistance can make things bearable for the family but we hope this simple token of the city’s love and appreciation for our doctor’s heroism and dedication to duty can somehow help,” dagdag ng alkalde. (BRIAN BILASANO)