BAGO naging artista, isa munang stand-up comedian si Vice Ganda. Napapanood siya rati sa mga comedy bar na Lafflne at Punchline. Kaya naman sobrang ikinalungkot niya ang balitang nagsara na ang dalawang comedy bar, na pinagtrabahuhan niya.
Pero bago pa ito nauna nang nagsara noong June 29 ang dalawang comedy bars na pagmamay-ari ni Allan K, ang Zirkoh at Klownz.
Sa show nilang It’s Showtime noong Friday, inihayag ng komedyante ang kanyang saloobin tungkol ditto.
Sabi niya, “Alam mo talaga, nakakalungkot sa sitwasyon ngayon, walang choice ‘yung mga comedy bar kung hindi magsara. ‘Yung Zirkoh, ‘yung Klownz nagsara na. ‘Yung Punchline at Laffline, nagsara na. Ang daming komedyante ang nawalan ng trabaho.”
Nakakuwentuhan kasi ni Vice sa segment ng kanilang show na Super Fiestar ang isang stand-up comedian na galing sa Music Box.
Ang Music Box ang kauna-unahang comedy bar sa bansa. Rito nagsimula sina Ai Ai delas Alas at Arnel Ignacio bago pinasok ang daigdig ng showbiz.
Patuloy ni Vice, “At saka yung legacy ng comedy bar, parang ‘di ko ma-imagine na mawala na totally ang comedy bars sa lipunan. Kaya buti na lang may Music Box pa. Sana, eventually, ‘pag maayos-ayos, makakapag-operate na uli ang Music Box. ‘Yan ang ano, pioneer ng comedy bars.”
Ayon pa sa Unkaboggable Star, sa kabila ng enforced quarantine, gumagawa pa rin ng paraan ang stand-up comedians at sing-along masters na makapagpaligaya sa kanilang mga tagahanga at tagasubaybay. Sa online muna nagpapatawa ang mga ito at naging guest pa nga siya sa isa sa mga session nito.
“Kahit ‘yung mga bakla sa Zirkoh, mayroon silang ginawang Zirkohvery Channel. Nag-guest nga ako roon, sabi ko, nagpapasalamat nga ako sa kanila kasi maganda ‘yung ginagawa nila. Hindi man sila kumikita na katulad niyong dati, serbisyo ‘yun, eh, ‘yung pinatatawa nila ‘yung viewers online. Malaking bagay ‘yun ngayon na makapagbigay ka ng ngiti. Mayroon silang mga nakokolektang mga donation, pero hinahati-hati nila ‘yun para maitulong sa staff ng comedy bar—‘yung mga waiter, ‘yung nasa valet, ‘yung mga cook. Kasi ‘yan, lahat ‘yan ay wala na. Wala naman silang mga online show, kaya ‘yung mga bakla, tumutulong para mabigyan nila ng ayuda ang ibang staff.”
Masuwerte si Vice at naging artista siya at sumikat. Kung nagkataon na nananatili pa rin siyang stand-up comedian, wala na rin siyang pagkakakitaan ngayon, ‘di ba? Suggestion lang namin, since mayaman na naman siya, sana magbigay siya ng financial assistance sa mga nakasama niya noon sa comedy bars.
MA at PA
ni Rommel Placente