PAG-AARALAN pa ng Department of Health (DOH) ang rekomendasyon ng UP OCTA Research Team na magkaroon ng randomized testing sa mga empleyadong araw-araw pumapasok sa trabaho kahit nasa gitna ng pandemyang COVID-19 ang bansa.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ngayon ay limitado ang resources kaya hindi pa tiyak na kakayanin ng sistema ang nasabing rekomendasyon.
“Iyong randomized testing, pag-iisipan namin nang maigi kasi resource intensive ito. Hindi ko pa alam kung kakayanin ito ng ating sistema,” ani Vergeire.
“Also, how long will we do this? Ang testing kasi is a point in time. Kahit na-test natin ngayon, bukas, may bago ka nang exposure,” dagdag ng opisyal.
Sa kasalukuyang protocol, tanging mga symptomatic na indibidwal na may exposure sa confirmed cases, health care frontliners, vulnerable population tulad ng buntis at senior citizen, at returning overseas Filipino workers (OFWs) ang prayoridad ng testing.
Ani Vergeire, “Sa ngayon ang gusto muna nating i-focus would be the subgroups na ating naitalaga (for testing).”
“Actually mare-revise pa (siya), mae-expand pa, further base sa mga pag-uusap-usap between the private and the DOH. Aayusin pa natin ‘yan.”
Binigyang diin ni Vergeire, habang hinihintay ang desisyon sa pag-aaral na kanilang gagawin ay dapat na ipatupad nang mahigpit ang minimum health standards.
“Iyong ating minimum health standards andiyan pa rin. I-enforce ang compliance. Iyon na iyon e. Wala nang ibang pupuntahan.”
Nitong Martes, nang magdesisyon ang pamunuan ng Metro Rail Transit (MRT-3) na suspendehin muna ang operasyon ng train system, matapos pumalo sa higit 200 empleyado nito ang nagpositibo sa COVID-19.
Ito ang naging basehan ng nasabing UP research team sa kanilang rekomendasyong randomized testing. (CYNTHIA MARTIN)