DUMISTANSIYA na ang Palasyo sa obligasyon na sugpuin ang pandemyang coronavirus disease (COVID-19) sa Filipinas at ipinauubaya na sa mga lokal na pamahalaan at mga mamamayan ang responsibilidad na mapabagal ang pagkalat ng sakit.
Sa virtual press briefing kahapon, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, dahil wala nang ayudang maibibigay ang national government kaya mas malaki na ang responsibilidad ng lokal na pamahalaan at mga indibidwal para bumagal ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa taliwas sa dating paboritong linya na target ng gobyerno — “to flatten the curve.”
“At kinakailangan po, e iyong pananagutan e kinakailangan pong mas malaki na po ang responsibilidad ng ating LGUs dahil sila nga po ang mag-i-implement ng mga granular o localized lockdown. Kinakailangan ang indibiduwal, magkaroon ng mas malaking responsibilidad dahil wala na nga tayong ayuda, e kinakailangan gumawa ng mga hakbang para mapabagal po ang pagkalat ng sakit,” ani Roque.
Sa kabila ng multibilyones na nagastos ng administrasyong Duterte mula noong Marso ay lalong lomobo ang kaso ng COVID-19 sa Filipinas na sa kasalukuyan ay pangalawa sa pinakamataas sa Southeast Asia.
Nanindigan si Roque, nagwawagi ang Filipinas sa laban kontra COVID-19 dahil mas marami ang gumagaling kaysa namamatay sa naturang sakit.
“I will always say we are winning against COVID-19. Siguro, roon sa mga ayaw maniwalang nananalo tayo, sige po, sa inyong personal na paninindigan, tanggapin n’yo po iyon,” sabi ni Roque.
“Pero habang hindi po namamatay ang tao, habang mayroon po tayong kapasidad na magbigay ng medikal na lunas sa mga nagkakasakit, hindi ko po matatanggap na tayo’y hindi nananalo sa sakit na ito,” dagdag ni Roque. (ROSE NOVENARIO)