LIMANG frontliners ng East Avenue Medical Center (EAMC) ang dinakip ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) makaraang makompiskahan ng shabu sa basement ng ospital, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat kay QCPD Director, P/BGen. Ronnie Montejo, ang mga suspek ay kinilalang sina Emmanuel Leongson, 45, nurse attendant, residente sa July Extension, Barangay Bahay Toro, Quezon City; Guardo Hermino, 41, garbage collector, ng Blk. 2, Sawata, Dagat-Dagatan, Barangay 35, Caloocan City; James Daguian, 47, janitor, ng Dumaguete Extension, Pael, Barangay Culiat, Quezon City; Rowel Tina, morgue attendant, nakatira sa Blk. 1, 116, Purok Pag-asa, Barangay Batasan Hills, Quezon City; at Bonifacio Castillo, 37, morgue attendant at residente sa No. 30-B, Victory Ave., Barangay Tatalon, QC.
Nadakip ang lima sa staff quarters ng ospital sa Basement Tahan Tahanan, Barangay Central, QC.
Dakong 10:00 pm nitong 6 Hulyo 2020, ikinasa ng QCPD Kamuning Station (PS10) Drug Enforcement Unit ang buy bust laban kay Leongson makaraang makakuha ng tip hinggil sa pagtutulak ng droga sa ospital at sa Barangay Central.
Kasama ni Leongson sina Herminio at Daguian nang iabot ang shabu sa pulis na nagpanggap na buyer sa pasilyo ng ospital.
Pero nagawang makatakbo nina Herminio at Daguian kaya hinabol sila ng mga pulis hanggang maabutan sa staff quarters at maaresto.
Pagpasok sa quarters, huli sina Tina at Castillo na hinihinalang katatapos gumamit ng shabu.
Nakompiska sa lima ang pitong medium size sachet ng shabu, at buy bust money na P2,000; 6 pieces improvised tooter, may residue ng shabu; 1 aluminium foil; 5 pieces disposable lighters; at 2 digital weighing scale. (ALMAR DANGUILAN)