NAGPOSITIBO sa COVID-19 ang 165 indibidwal makaraang sumailalim sa rapid test ng Manila Health Department (MHD) ang 8,018 katao sa 31 barangays na isinailalim sa lockdown sa Maynila.
Base sa naitala ng MHD, sa District 1 ay 62 katao ang nagpositibo sa 3,719 na isinailalim sa rapid test; habang sa District 2 ay 6; sa District 3 ay nagtala ng mataas na 62 katao; District 5 ay 28; at District 6 ay 7 lamang.
Nabatid na ang mga nagpositibo sa rapid test ay inilagay sa quarantine isolation facility at isasalang sa swab test upang makompirma kung talagang infected sila ng COVID-19.
Nabatid, ang lockdown sa 31 barangay ay tumagal ng 48 oras at nagtapos kahapon ng 5:00 pm.
Pahayag ni Manila Police District (MPD) Director P/BGen. Rolando Miranda, ang lockdown sa 31 barangays ay naging generally peaceful dahil sa pagsunod ng bawat residente sa kautusan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.
Una nang iniutos ni Mayor Isko ang pagsailalim ang lockdown sa 31 barangays sa Maynila upang bigyang daan ang rapid test matapos maiulat ang pagtaas ng COVID-19.
(BRIAN BILASANO)