BALIK-KALSADA na ang anim na libong tradisyonal na pampasaherong jeepney simula ngayon, Biyernes, 3 Hulyo, ayon sa Palasyo.
“Papasada na po bukas, a-tres ng Hulyo, ang mahigit na 6,000 roadworthy traditional jeepneys sa Metro Manila sa may apatnapu’t siyam na ruta,” ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque sa Palace virtual press briefing kahapon.
Tinukoy ni Roque ang mga pamantayan na itinakda ng Land Transportation Office (LTO) para makapasada ang tradisyonal na jeep gaya ng roadworthy at may personal passenger insurance policy.
Mananatili aniyang siyam na piso ang minimum na pasahe at dagdag na P1.50 sa bawat dagdag na kilometro.
“Uulitin po namin, ito po ang sabi ng DOTr, and I quote, ‘The LTFRB emphasizes to the traditional PUJ operators that they must provide PUJs that are currently registered roadworthy with the Land Transportation Office and with valid personal passenger insurance policy,’” ani Roque.
Ipinaalala ni Roque ang pagpapatupad ng minimum health standard sa pampasaherong sasakyan gaya ng pagkakaroon ng social distancing, nakasuot ng mask ang mga tao at kung maaari ay may disinfectant.
“Inaasahan natin na ang susunod ang mga operator at tsuper sa mga safety operations tulad ng pagsuot ng maskara at guwantes, at ang maximum 50% operating capacity,” giit niya.
Ayon naman sa pahayag ni Mody Floranda, National President ng PISTON, “Bagamat kinikilala bilang tagumpay, kailangan pa rin nating panghawakan ang laban sa pekeng modernisasyon. Niraratsada pa rin ng sabwatang Duterte-DOTR-LTFRB ang jeepney phase-out sa gitna ng pandemya para bigyang daan ang imported at napakamahal na “modern” jeeps bilang kapalit ng tradisyonal na jeep.” (ROSE NOVENARIO)